Marami ang nakakaalam na Vilmanian ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas dahil iniidolo niya ang Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Pero iilan lang ang nakakaalam na may espesyal na puwang sa puso ni Ai-Ai ang pumanaw na Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Nang sumakabilang-buhay si Nora noong Abril 16, 2025, maaga at tahimik na pumunta si Ai-Ai sa burol ng maalamat na aktres sa Heritage Park para magbigay-pugay.
Read: Nora Aunor dead at 71
“Hinding-hindi ako puwedeng hindi pumunta sa burol ni Ate Guy dahil ipinaglaban niya ako noon," pagbabahagi ni Ai-Ai sa Cabinet Files.
“Siya rin ang unang nagbigay sa akin ng CD player noong bago pa lamang ito nauuso. Talagang generous siya."
Hinding-hindi raw malilimutan ni Ai-Ai ang kabutihang ipinakita noon ni Nora sa kanya.
Lahad niya: “Kinuha ako ni Ate Guy para isama noon sa show niya sa Amerika.
"Dun ko nakita ang katapangan ni Ate Guy dahil yung concert producer, ayaw kaming bayaran.
“Sa galit ni Ate Guy, nabuhat niya ang malaking bote ng tubig, e, maliit siyang tao, di ba?
"Talagang ibabato niya yung bote ng tubig sa producer dahil sa sobrang galit niya. Naloka ako!
“Nabayaran naman ako dahil si Ate Guy ang nagbigay sa akin ng talent fee ko.”
Read: Nora Aunor’s legacy: a Superstar onstage and onscreen
AI-AI TO REWARD HERSELF WITH DESIGNER BAG AND BLACKPINK TICKET
Hindi nakadalo si Ai-Ai sa grand media conference ng Season 7 ng The Clash na ginanap sa isang hotel sa Quezon City noong Miyerkules, Hunyo 11, 2025, dahil bumiyahe siya sa Amerika para sa show nila ni Dessa sa Texas, USA.
Kasama sina Christian Bautista at Lani Misalucha, nagbabalik si Ai-Ai bilang hurado ng Season 7 ng The Clash na muling napanood sa GMA-7 simula noong Hunyo 8.
Dahil matagal nang hurado ng The Clash si Ai-Ai, tinanong ng Cabinet Files ang reward o pabuya niya para sa sarili mula nang maging bahagi siya ng naturang singing competition.
“Ngayon ko pa lang bibigyan ng reward ang sarili ko,” sagot ni Ai-Ai.
“Baka bumili ako ng Louis Vuitton o Hermes bag para sa akin.
“Then, pinaplano ko na pumunta sa Chicago para panoorin ang concert ng BLACKPINK sa July 18. Alam naman ng lahat na Blink ako, as in super fan ako ng BLACKPINK .
“Kumpleto ang BLACKPINK paraphernalias ko, may ilaw at medals nila ako..Pati albums nila, meron ako!” ang natatawa ng kuwento ni Ai-Ai tungkol sa paborito niyang K-pop group.
Hindi raw siya nanghihinayang na gastusan ang sarili at gawin ang mga gusto niya.
Katuwiran ni Ai-Ai, “Simula nang hiwalayan ako, minahal ko na ang sarili ko nang sobra.”
Read: Ai-Ai now ready to move forward after closing "that chapter"