Mabilis na sumagot ang pamunuan ng Cathay Pacific dalawang oras matapos ang social media post ni Alden Richards tungkol sa bisikleta nitong nasira at naiwan sa Amerika.
“This is very upsetting,” sabi ni Alden sa kanyang post nitong Lunes ng madaling-araw, Hunyo 23, 2025, para sa pamunuan ng airline company.
Aniya: “Shoutout to @cathaypacific for fracturing my bike frame and unloading my bikebox and bike rack on my way home to the Philippines. Please do something about this.”

Sa pag-iimbestigang ginawa ng Cabinet Files, napag-alaman naming maayos at ligtas na nakaempake ang bisikleta nang dalhin ito ni Alden sa Amerika.
Nang buksan ni Alden ang bagahe nito, may crack na sa bisikleta.
Agad niya itong ipinagbigay-alam sa pamunuan ng Cathay Pacific, ang flag carrier ng Hong Kong.
Nang pauwi na si Alden sa Pilipinas mula sa Amerika nitong Lunes, Hunyo 23, nagbayad siya para sa additional baggage dahil sa kanyang bisikletang naka-check in.
Pero pagdating ni Alden sa Pilipinas ngayon araw, saka pa lamang sinabi sa kanyang hindi naisakay sa eroplano ang bisikleta niya.
Pero walang sinuman umano sa airline staff ang nag-abiso habang nasa U.S. airport pa siya.
Hindi tinukoy kung anong modelo ang dinalang bisikleta ni Alden sa Amerika, ngunit mahihinuhang hindi basta-basta ang presyo nito.
Sa isang Facebook post noong April 2025 ay napaulat na bumili ang Kapuso actor ng Colnago V4Rs World Champ edition road bike.
Nagkakahalaga umano ito ng PHP1.1 million.
Nitong mga nakalipas na buwan ay nakakahiligan ni Alden ang pagbibisikleta at pagtakbo.
Madalas ding mag-post ang Kapuso actor sa social media accounts niya ng mga larawan at video niyang nakabisikleta.
View this post on Instagram
CATHAY PACIFIC RESPONDS TO ALDEN'S POST
Makalipas ang dalawang oras matapos mag-post ni Alden ng kanyang reklamo ay nakatanggap siya ng template reply mula sa Cathay Pacific management sa pamamagitan ng kanilang X (Twitter) account.
Nakasaad dito: “Thank you for contacting us, Mr. Richards. We are really sorry to hear about what has happened and appreciate you bringing it to our attention.
“Please be assured that your concerns are taken seriously. If this incident has already been reported at the airport, kindly refer to your email for our response.”
Bukod kay Alden, tumulong din ang mga tagasuporta ng aktor sa pagpaparating sa airline management ng reklamo niya tungkol sa nangyari sa kanyang bisikleta.