Ang isang kabanata ng Shake, Rattle & Roll XVII na balak isali ng Regal Entertainment, Inc. sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 ang pagbibidahan ni Dustin Yu.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano, sisimulan ang shooting ng pelikula sa Agosto 2025.
Read: Dustin Yu, may nakaabang nang projects paglabas sa PBB
Ang pagbibidahan niyang kabanata ng SRR XVII ang katuparan ng pangarap ni Dustin na makapagbida sa pelikula, at bunga ng matagal na paghihintay niyang magkaroon ng puwang sa Philippine entertainment industry.
Nagsimula ang showbiz career ni Dustin noong 2021.
Makalipas ang apat na taon, nakamit niya ang pinakaaasam na kasikatan dahil sa kanyang pagsali sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition, ang reality show ng ABS-CBN at GMA-7.
“Super unexpected talaga ng lahat. Parang ang bilis,” overwhelmed na reaksiyon ni Dustin nang itanong ng Cabinet Files ang saloobin ngayong nagbunga na ang kanyang sipag at tiyaga para makilala ng publiko.
Nagdalawang-isip at may mga pag-aalinlangan daw si Dustin na pumasok sa PBB house dahil inaalala niya ang Eraya, ang restaurant business niya sa San Juan City.
Nang maging PBB housemate at ma-nominate for eviction sa unang pagkakataon, gusto na raw lumabas ni Dustin.
Nakakundisyon daw ang isip niyang isang linggo lamang siya sa loob ng Bahay Ni Kuya. Hindi ito nangyari dahil halos apat na buwan nanatili sa loob ng PBB house ang 24-year-old actor.
Ayon kay Dustin, pagod na pagod ang kanyang pakiramdam sa paglabas nila ng ka-duo niyang si Bianca de Vera mula sa PBB house noong Hunyo 28, pero nagawa pa niyang unang puntahan ang kanyang restaurant.
Read: Vice Ganda, pinatutsadahan sina Ricky Reyes at Renee Salud?
DUSBI BILLBOARDS WORLDWIDE
Sa pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Dustin ngayong Miyerkules, Hulyo 2, inamin niyang may mga pagkakataong nagigising siya mula sa pagtulog at nasa loob pa rin ng PBB house ang kanyang akala.
“Getting there,” sagot ni Dustin sa tanong ng Cabinet Files kung nakapag-adjust na siya sa pamumuhay sa outside world dahil sa halos apat na buwang pamamalagi niya sa PBB house.
Nagugulat din daw siya sa pagdami ng bilang ng kanyang generous fans na nagpapadala ng mga pagkain sa TV appearances nila ni Bianca.
Malaki rin ang kinalaman ng avid DustBia Worldwide fans sa mga billboard nina Dustin at Bianca na nagsulputan sa Times Square, New York City; Seoul, South Korea; Davao City; Pasig City; at Makati City.
Lubos ang pasasalamat ni Dustin sa lahat ng mga sumusuporta sa kanila ni Bianca dahil personal na niyang nakita ang mga billboard nila.
Saad niya, “Never ko talaga siya na-imagine sa life ko. And nung nalaman ko, at first, akala ko edited lang.
“But then, nung dumaan na ako sa EDSA, nung nakita ko, grabe, nakaka-proud at super nakakataba talaga ng puso.
"Sobrang talagang naramdaman namin yung love ng fans,” pahayag ni Dustin.
Inaasahan ding mapapanood si Dustin sa mga future episode ng Regal Studio Presents, ang drama anthology ng GMA-7 na unang nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang aktor.
Read: Justice Secretary Remulla, tinanong sa paglutang ng pangalan ni Gretchen Barretto sa sabungero case