Si Senator Robin Padilla ang iniidolo ni Rabin Angeles, samantalang dati nang tagahanga ng aktor ang kanyang nanay na si Jeanette Macarayo.
Iilan ang nakakaalam na ipinangalan si Rabin kay Robin ng nanay niya na natuklasan ng Cabinet Files nang itanong nito sa 20-year-old actor ang kasaysayan ng kanyang pangalan.
"Ang Rabin po, galing sa Bible, Rabbi. Tapos yung mother ko, idol niya si Senator Robin Padilla, so imbes na Robin, parang Rabin," ang nakangiting kuwento ni Rabin.
Ayaw niyang mabansagang stage mother ang kanyang ina, pero ito ang may kagustuhang samahan siya sa mga showbiz commitment niya.
"Ayoko po, e. Parang nung nagsisimula ako, sinasabi ko palagi sa mommy ko, 'Ma, gusto ko, ako lang. Ako na lang tutulong sa inyo. Kaya ko ito.'
"Pero nagpupumilit siya na sumama; siyempre, hindi ko naman natitiis," ang rebelasyon ni Rabin na nangangarap talaga na tularan si Robin.
"Marami pa po akong gustong maabot. Someday sana, gusto kong maging Robin Padilla.
"Dream ko talaga na maging siya kasi ang dami niyang projects. Sobrang galing niyang artista.
"Kaya niya na mag-action, kaya niya mag-romcom. Gusto ko maging katulad niya. Hindi ko pa po siya nakikita nang personal. Gusto ko po talagang makita siya at sana makita ko siya.”
Read: Bianca de Vera receives P5.9M-luxury car from parents
QUICK FACTS ABOUT RABIN ANGELES
Naging popular si Rabin dahil sa karakter na ginampanan niya sa Viva One series na Mutya ng Section E. Naging instrumento ito para pagkatiwalaan siya bilang celebrity ambassador ng iba’t ibang mga produkto at napapanood na rin siya tuwing Biyernes sa Eat Bulaga!
Madalas na napagkakamalan si Rabin na Korean at Japanese dahil sa kanyang chinito features.
Bilang celebrity endorser ng Botejyu, nakikita sa lahat ng branch ng restaurant ang kanyang mga standee.
"Pure Filipino po ako," ang giit ni Rabin.
"Chinita yung mommy ko... chinita siya na morena, tapos yung dad ko, maputi na mukhang Pinoy.
"Siguro pinaghalo ang itsura nila."
Nagpasalamat din si Rabin dahil pinagkakatiwalaan na siya na brand ambassador.
"Ang saya po kasi lahat nang ito pinapangarap ko lang dati, tapos unti-unti dumarating, ibinibigay ni Lord," ani Rabin.
Read: PBB: Celebrity Collab Big Night highlights
ON STAYING GROUNDED
Tiniyak niya na hindi pinagbago ng kasikatan ang kanyang ugali.
"Wala po, ganoon pa rin. Ayokong may magbago sa akin. Kung ano po ako dati, ganoon pa rin ako.
"Nami-miss ko lang gawin na nasa harap lang ako ng bahay namin, nakatambay.
"Pero nagagawa ko pa rin naman minsan yon kapag may break ako. Umuuwi po ako sa Pampanga, du’n lang po kami ng mga tropa ko."
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makapanayam si Rabin sa Market! Market! Takeover” ng Viva One at Viva Beauty, na naganap nitong Linggo ng hapon, Hulyo 6, 2025, sa Taguig City.
Dumalo sa naturang pagtitipon si Viva Entertainment CEO Boss Vic del Rosario, na tuwang-tuwa dahil personal niya na nasaksihan ang popularidad at pagkakagulo kay Rabin ng mga nagsiksikan na tagahanga nito na pumuno sa malawak na activity center ng mall.