Natupad ang hiling ng Regal Entertainment, Inc. producer na si Roselle Monteverde na mapili bilang opisyal na kalahok sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.
Noong Hunyo 26, 2025, nakausap ng Cabinet Files si Roselle bago siya lumipad papuntang Portugal para sa kasal ng kanyang anak na si Bridget Monteverde-Teo sa karting champion na si Stefano Marcelo.
Hindi pa bumabalik si Roselle sa Pilipinas pero tiyak na masaya siya dahil kasama ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins sa apat na pelikulang inanunsiyo ng MMDA at MMFF Executive Committee na kasali sa MMFF 2025.
Read: First four official entries to MMFF 2025 announced

RICHARD GUTIERREZ, DUSTIN YU TO STAR IN SRR EVIL ORIGINS EPISODES
Kinumpirma ni Roselle na si Richard Gutierrez ang bida sa isang kabanata ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins. Ito ang unang pagkakataong mapapanood ang Kapamilya actor sa horror anthology movie series na nag-umpisa noong 1984.
Ganap namang bida sa "The Intruder" episode ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ang ex-PBB Celebrity Collab Edition housemate na si Dustin Yu.
Si Ivana Alawi at hindi ang kanyang PBB final duo partner na si Bianca de Vera ang napapabalitang makakapareha ni Dustin dito.
Sa naganap na announcement ng MMDA ngayong Martes, Hulyo 8, nakalagay na ang pangalan ni Ivana sa cast members.
Pero sa pagkakaalam ng Cabinet Files, hindi pa niya tinatanggap ang alok na magkaroon ng partisipasyon sa Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.
Ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ang pangalawang pagkakataong tampok si Dustin sa sikat na horror anthology series ng Regal.
Kasama rin siya sa cast ng Shake, Rattle & Roll Extreme ("Rage" episode) na ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre 29, 2023.
Nanalo si Dustin bilang New Movie Actor of the Year sa 40th PMPC Star Awards for Movies noong 2024 para sa karakter na ginampanan niya sa Shake, Rattle & Roll Extreme.

Bukod sa official entry sa 51st Metro Manila Film Festival, ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ang 63rd anniversary presentation ng Regal Entertainment.
Sina Joey de Guzman, Shugo Praico, at Ian Lorenos ang mga direktor ng horror trilogy movie.
Read: Sharon Cuneta, Senator Kiko Pangilinan withdraw suit vs. Cristy Fermin