Trending sa social media sina Kathryn Bernardo at Lucena City Mayor Mark Alcala ngayong Miyerkules, Hulyo 9, 2025, dahil sa magkasunod na larawan at videos nilang kuha sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kapwa may suot na facemask sina Kathryn at Mark para hindi umano agad makilala.
Ayon sa netizens na nag-post ng mga larawan at videos, parehong papunta sa Australia ang dalawa.
Matagal nang napapabalitang may lihim na relasyon sina Kathryn at Mark, pero walang pagtanggi o kumpirmasyon mula sa dalawa.
Read: Mayor Mark Alcala nanliligaw ba talaga kay Kathryn Bernardo?
NO CONFIRMATION NOR DENIAL
Minabuti ng Cabinet Files na magtanong sa mga kinauukulan tungkol sa pagkakakita kina Kathryn at Mark sa airport.
Kinumpirma ng aming sources na parehong pumunta sa Australia sina Kathryn at Mark, pero magkaiba umano ang kanilang mga destinasyon.
Melbourne bound daw si Kathryn, samantalang patungo naman sa Sydney si Mark.
Hindi sinabi ng aming sources kung magkikita ang dalawa sa Australia.
Halos isang taon na ang nakararaan buhat nang ilabas ng Cabinet Files noong Hulyo 2024 ang balitang isa si Mark sa mga masugid na manliligaw ni Kathryn.
Pero walang inamin o itinanggi ang alkalde ng Lucena City nang makausap siya ng Cabinet Files noong Marso 2025.
“Huwag, maawa ka. Maawa ka!” reaksiyon ni Mark nang itanong ng Cabinet Files kung gusto niyang muling maglabas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng ulat tungkol sa rumored secret love affair nila ni Kathryn.
Pero sa kabila ng pananahimik nina Kathryn at Mark, hindi nawawala ang mga sighting na magkasama sila kaya marami ang kumbinsidong matatag na ang kanilang relasyon.