John William Joseph Jr. ang tunay na pangalan ng radio at television broadcaster na si Johnny Midnight kaya hindi nagkamali ng kutob ang Cabinet Files na kamag-anak niya ang Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition housemate na si River Joseph.
Nakilala nang husto si Johnny Midnight dahil sa sikat na radio program nito noong dekada ‘80 at sa kanyang "kakayahan na magpagaling ng mga karamdaman" sa pamamagitan ng toning water at pyramid.
Marami ang nagpatotoo noon na gumaling ang kanilang sakit dahil sa tubig na itinatapat nila sa radyo at iniinom pagkatapos ng halos labinglimang minuto na "incantation chants" ni Johnny Midnight.
Pagkatapos ng orasyon ni Johnny Midnight sa salita na tanging siya lamang ang nakakaintindi, pinatutugtog niya ang "Bulaklak," ang kanta ni Kuh Ledesma.

RIVER JOSEPH'S CONNECTION TO JOHNNY MIDNIGHT
"Tito ko po," ang sagot ni River nang itanong ng Cabinet Files ang kaugnayan niya kay Johnny Midnight.
Si Johnny Midnight ay pumanaw noong Oktubre 6, 2014, sa edad na 73, dahil sa prostate cancer.
Naabutan ni River si Johnny Midnight dahil labinglimang taon ang edad niya nang bawian ng buhay ang nabanggit na radio at television broadcaster.
Pero wala na siyang alam tungkol sa toning water at pagiging "healer" ng pinsang-buo ng kanyang ama na si Bobby.
"Naabutan ko naman siya, pero wala na akong alam tungkol sa toning," ani River.
Hindi lamang si Johnny Midnight ang popular niyang kamag-anak, dahil tita niya ang aktres na si Melissa de Leon, na asawa ni Ronnie Joseph, na kapatid ng kanyang ama.
Nang itanong ng Cabinet Files ang pinagmulan ng kanyang pangalan, paliwanag ni River, "Yung River kasi buong pamilya ko, lahat ng pangalan namin starts with a letter R, pati yung mga pinsan ko.
"So feeling ko, they ran out of names na may R kaya napunta sa River na gusto ko naman."
RIVER JOSEPH ON LIFE AFTER PBB: CELEBRITY COLLAB
Ano ang mga pagbabago sa buhay ni River na gusto at ayaw niya mula nang lumabas siya sa Pinoy Big Brother house?
"Everything that’s been happening to us, siyempre gusto ko—siyempre trabaho, lagi kaming busy, maraming supporters, maraming fans.
"Pero sa ayaw, parang wala naman. Wala naman akong ayaw," lahad ni River.
Ibinahagi niya ang mga proyektong dapat abangan pagkatapos ng matagal na panahon na pamamalagi niya sa PBB house.
"May show ako ngayon called Love at First Bite, kasama ko si Emilio Daez. At may upcoming movie ako, the title is The Four Bad Boys and Me, kasama ko sina Brent Manalo at AC Bonifacio of PBB.
"It will be shown on July 31 sa YouTube. Last year pa kami nag-shoot before PBB."
OPEN TO LEADING LADIES
Hindi inililihim ni River ang relasyon nila ng kanyang girlfriend na si Gela Alonte.
Pero bukas siya sa posibilidad na magkaroon ng ibang babae na kapareha sa pelikula o television series.
"Siyempre may leading lady na talaga ako sa totoong buhay, but then when it comes to work, siyempre hindi naman ako choosy.
"There’s a lot of very good actresses out there, and kung sinuman yon, I would be happy with that," ang deklarasyon ni River.