“Kinikilig” ang pagsasalarawan ni James Blanco sa anak na si Iñigo Jose nang pumirma ito bilang contract star ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Para kay Iñigo, ang pagpirma ng kontrata sa Star Magic ang katuparan ng pangarap nitong maging aktor katulad ng kanyang ama.
Kuwento naman ni James sa Cabinet Files, nagdalawang-isip pa siya noon na payagan ang anak na pumasok sa entertainment industry.
Tatlo ang anak ni James: si Iñigo ang panganay na sinundan ni Sebastian, at bunsong si Natalia, na nagpapakita rin ng interes na mag-artista.

"Ang usapan talaga namin, tatapusin muna niya yung pag-aaral niya kasi two years na lang, graduate na siya ng kanyang Management course sa De La Salle University.
"Matagal na naman siyang gumagawa ng commercials, kahit noong teenager pa siya. Marami na talaga ang kumukuha sa kanya para mag-artista.
“Noong 12 years old pa lang si Iñigo, nagpakita na siya ng interes kaya palagi siyang sumasama sa mga taping ko.
“Noong first day ng taping ko para sa Forever Young, sumama siya sa akin at kinukuha na siya para i-partner kay Althea Ablan," banggit ni James sa 2024 afternoon drama series ng GMA-7 kunsaan kabilang siya.
"Alam ko ang style ni Iñigo, sasama siya sa akin dahil alam niyang tatanungin siya kung gusto niyang pumasok sa showbiz, kasi nga may offer na sa kanya.
"Sabi ko, ‘Anak, hindi talaga pupuwede.’
"Sinabi ko sa kumukuha sa kanya na hindi pa siya ready. Alam ko naman kung kailan siya magiging ready.
"E, gustung-gusto na niya. Binabasa na niya ang mga script ko. Ikinukuwento niya sa akin ang mga mangyayari sa two weeks na eksena.
"Sabi ko, 'Naku, patay. Eto na talaga,'” mahabang salaysay ni James tungkol sa matagal nang ambisyon ng kanyang anak na magkaroon ng acting career.
"Sinorpresa niya ako habang nasa gym kami last week," pagpapatuloy na kuwento ni James.
"Sabi niya, ‘Dad, I’m signing na with Star Magic this coming week.’
"Nagulat ako, pero wala na akong nagawa kasi naka-sign na rin siya sa Mercator," banggit ni James sa talent management agency ng beauty queen maker na si Jonas Gaffud.
Twenty years old si Iñigo at may taas na 6-feet 1-inch na naging puhunan niya para magkaroon ng mga TV commercial at modeling career.
james blanco's fears, advice for son iñigo
Ngayong artista na si Iñigo, hindi maiwasan ni James na magkaroon ng mga pangamba para sa kanyang anak.
Pero hindi raw siya magsasawang magbigay ng mga payo rito.
"Isa sa fears ko, baka hindi niya matapos ang kanyang pag-aaral. Kasi noong pumasok ako sa showbiz, third year college na ako.
"Sabi ko, tatapusin ko ang pag-aaral ko ng Marketing sa PSBA (Philippine School of Business Administration), pero hindi ko na natapos.
"Sobrang busy na that time kasi more than 24 hours ang trabaho, e. Ang pasok ko every day. Saka naging breadwinner din ako ng pamilya namin.
"Ang difference lang, hindi breadwinner si Iñigo at may isang salita siya. So, sa tingin ko naman, tatapusin niya ang pag-aaral.
"Mataas talaga kasi ang pangarap niya saka bata pa lang siya, marunong nang mag-business.
"Noong elementary student yan, nagnegosyo siya ng rubber wristband sa school.
"Nakikita ko ang sarili ko sa kanya noong bata pa ako. Hindi rin siya palahingi ng pera.
"Pinayuhan ko si Iñigo na simple lang ang sikreto sa industry. Kapag may mga intriga, pasok sa kaliwang tenga, labas sa kanan.
"Huwag mong i-absorb ang mga papuri. Ang papuri, para sa Panginoong Diyos, hindi sa tao.
"Lagi mong ilalagay sa puso at isip mo ang respeto mula sa mabababa hanggang matataas na tao. Dapat pantay ang respeto at pakikisama sa kanila.
"Totoo ito, napapansin ko, ang dami ko nang kilala sa mga kabataang artista ngayon, hindi na sila marunong bumati sa senior stars. Nabigyan lang ng isang show, naku grabe!
"Sinabi ko kay Iñigo na, 'Kapag may nakita kang senior stars, magpakilala ka. Huwag kang mahihiya, bumati ka,'" lahad pa ni James na nagboluntaryong magturo ng pag-arte kay Iñigo.
"May acting workshop sila pero sabi ko sa kanya, puwede ko siyang turuan kasi nung nag-basketball siya, ako ang nagturo sa kanya.
"Pati sa gym, ako ang nag-train sa kanya. Ngayon mas maganda pa ang katawan niya sa akin,” pahayag ni James na suportadong-suportado na ang pagpasok sa showbiz ng kanyang panganay na anak.