Naglabas ng babala sa publiko ang pamunuan ng GMA Network, Inc. laban sa mga gumagamit sa sitcom na Pepito Manaloto sa panloloko ng mga tao matapos magpadala ng email ang isang concerned citizen.
Ipinadala ng email sender sa GMA Network ang mensaheng natanggap niya mula sa "Pepito Manalo Surprises" Facebook page administrator.
Nakasaad ditong kabilang siya sa mga nanalo ng "Pangkabuhayan Package."
Red flag ang maling spelling at klase ng pananalita ng nagpadala ng mensahe kaya sumangguni ang concerned citizen sa GMA management sa pamamagitan ng email.
Ibinahagi rin niya ang screenshot ng mensahe na kanyang natanggap.
Mensahe ng concerned citizen: “For verification if this is fake or legit. Thanks for your action on this matter.”
Read: Comedian Bayani Casimiro Jr. dies at 57
GMA NETWORK STATEMENT
Mabilis na umaksyon ang GMA Network sa pamamagitan ng paglabas agad ng babala para hindi na makapangbiktima ang scammer at hindi na malinlang ang publiko ng fake social media accounts.
Nakasaad sa babala ng network management:
"Mag-ingat sa mga kumakalat na pekeng promo na ginagamit ang pangalan ng Pepito Manaloto ng GMA.
"Kung makatanggap ng anumang mensahe o text na may kasamang link o humihingi ng personal na impormasyon tulad ng pangalan, address, o bank details na may kaugnayan umano sa promo ng Pepito Manaloto, huwag itong pansinin at huwag magbigay ng anumang detalye.
"Ang GMA Network at ang Pepito Manaloto production team ay hindi kailanman hihingi ng personal na impormasyon sa pamamagitan ng ganitong uri ng mensahe.
"Mag-ingat din sa mga kumakalat na pekeng Pepito Manaloto account sa social media. Huwag ma-like o mag-comment sa mga post na namimigay ng premyo.
"Manatiling ligtas at mapanuri tayo sa mga natatanggap na mensahe."
Read: UPDATED. ABS-CBN's Kat Domingo unfairly accused of throwing shade at GMA's Nico Waje