Ikinalungkot ng Joewahs ang balitang mabilis na naubos ang tickets para sa Stardust, ang two-night (October 10-11, 2025) concert ng Cup of Joe sa Araneta Coliseum.
“Joewahs” ang tawag sa mga tagahanga ng sikat na grupo na pawang mula sa lalawigan ng Pangasinan, Abra, at siyudad ng Baguio.
Sina Gian Bernardino, Raphael Ridao, Gabriel Fernandez, CJ Fernandez, at Xen Gareza ang mga miyembro ng Cup of Joe.
Read: Cup of Joe members, mga promding sikat na sa buong Pilipinas

THIRD NIGHT CUP OF JOE CONCERT IS ALSO SOLD-OUT
At dahil sold-out na ang tickets ng kanilang two-night concert sa Araneta Coliseum, nagpasya ang mga producer ng Stardust, ang VAA Live at Viva Records, na magdagdag ng isa pang gabi ng pagtatanghal ng Cup of Joe sa Oktubre 12.
Ikinatuwa ito ng masugid na tagahanga ng grupo.
Pero panandalian lamang ang kasiyahan ng Joewahs dahil ilang oras matapos ianunsiyo ang pangatlong gabi ng concert ng Cup of Joe, naubos na rin agad ang tickets kaya hindi na sila nakabili.
Palaisipan sa marami ang kakaibang tagumpay ng Cup of Joe at ang sobrang pagkahumaling sa kanila ng mga tagahanga nila.
At dahil ubos na ang tickets para sa tatlong gabing pagtatanghal ng Cup of Joe sa Araneta Coliseum, puwede nang hindi mag-promote o magkaroon ng media conference ang limang miyembro para sa kanilang concert.
Pero ayon sa Viva Entertainment executive na si Baby Gil, bibigyan pa rin nila ng presscon ang phenomenal pop-rock brand na nagpasikat sa mga kantang "Multo," "Tingin," at "Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko."
Ang "Multo" ang madalas gamiting background music sa TikTok edits ng Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition ex-housemates na sina Will Ashley at Bianca de Vera.
Samantala, ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko ang ginamit na pamagat ng pelikula na pinagbidahan nina Julia Barretto at Aga Muhlach na ipinalabas sa mga sinehan noong Pebrero 2024.