Personal na nagsadya ang engaged couple na sina Edgar Allan “EA” Guzman at Shaira Diaz sa studio ng Fast Talk With Boy Abunda sa GMA Network ngayong Miyerkules, Agosto 6, 2025, para personal na ibigay kay Boy Abunda ang kanilang wedding invite.
Kabilang si Boy sa principal sponsors sa pag-iisang dibdib nina EA at Shaira na magaganap sa Silang, Cavite, sa Agosto 14.
Noong Pebrero 2024, naging bisita ni Boy sina EA at Shaira sa showbiz-oriented program nito.
Dito nila ipinahayag ang pagnanais maging isa sa mga ninong sa kanilang kasal ang King of Talk ng Pilipinas.
Pumayag agad si Boy.
Ngayong Miyerkules, dinala sa kanya nina EA at Shaira ang wedding invite na nakalagay sa isang malaking kahon.
Read: Edgar Allan Guzman, Shaira Diaz reveal they have been engaged since December 2021
SHAIRA AND EA FOLLOW SUPERSTITIONS BEFORE THEIR WEDDING
“Kinakabahan po ako,” sagot ni Shaira nang itanong ng Cabinet Files ang kanyang nararamdaman sa nalalapit ng pag-iisang dibdib nila ni EA.
May mga pamahiing sinusunod ang dalawa para sa kanilang kasal.
Kabilang dito ang hindi pagsusukat ni Shaira sa kanyang wedding gown, at hindi magkikita at nasa magkahiwalay na lugar sila isang araw bago ang kanilang kasal.
Pero araw-araw magkasama ang dalawa mula pa noong Lunes dahil isang linggo nang guest co-host si EA sa Unang Hirit, ang regular morning program ni Shaira sa GMA-7.
Simula sa Lunes, Agosto 11, hindi na muna mapapanood si Shaira sa Unang Hirit dahil magiging abala na sila ni EA sa paghahanda para sa importanteng okasyon sa kanilang buhay.
Matapos ang kanilang kasal, mananatili muna sa Pilipinas sina EA at Shaira bago sila lumipad sa Switzerland para sa honeymoon nila na nakatakdang mangyari sa Setyembre.
Read: Edgar Allan Guzman, Shaira Diaz claim they've been celibate since 2013