“Sana this time may mangyari.”
Ito ang umaasang pahayag ng mang-aawit at aktres na si Isay Alvarez tungkol sa iniimbestigahan ng Senado na anomalya sa mga proyekto sa flood control na isa sa malaking dahilan ng problema sa baha sa maraming lugar sa Pilipinas.
Bago pa man nanalanta sa Luzon ang magkakasunod na bagyo noong Hulyo 2025, sinusubaybayan na ng Cabinet Files ang baha serye sa bayan at mismong sa loob ng tahanan ng mag-asawang Isay at Robert Seña sa Guiguinto, Bulacan.
Hindi nagkulang si Isay sa pagbabahagi sa kanyang Facebook ng mga larawan ng baha sa kanilang lugar na nagbibigay sa mga residente ng malaking perhuwisyo at kalbaryo.
Read: Anak ng prinsesa sa Norway kinasuhan ng rape at domestic violence
FLOOD CONTROL PROJECT IN BULACAN
Nasasakupan ng fifth district ng Bulacan ang bayan ng Guiguinto.
Sa lumabas na datos, halos PHP8.6 billion ang pondong nakalaan para sa flood control project ng distrito.
Matinding pagdurusa sa baha ang nararanasan ng mga residente sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan, pero wala silang magawa kundi ang magtiis hanggang mapagtuunan ng pansin ng national government ang anomalya at ang malaking problema.
Pero kahit hindi pa pumuputok ang isyu tungkol sa flood control projects, gumagawa na ng paraan si Isay para malutas ang problema sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kinauukulan.
Pero diumano, walang nangyari dahil walang aksyon na ginawa.
“Sumakit brains ko!!!” sabi ni Isay sa Cabinet Files tungkol sa hindi matapus-tapos na problema sa baha ng kanilang bayan.
“Kilala ng pamilya namin ang [pangalan ng public official], lalo na ng dad ko. Ilang beses ko nang kinausap pero same same,” hinaing ng singer-actress.
Nabuhayan ng pag-asa si Isay dahil pinag-uusapan at iniimbestigahan na sa Senado ang problema sa baha na nagpapahirap sa buhay ng maraming tao.
PRESIDENT MARCOS VISITS RIVER WALL PROJECT IN BALIuAG, BULACAN
Ngayong Miyerkules, Agosto 20, hindi lamang pagkadismaya kundi galit ang naramdaman ni President Ferdinand Marcos Jr. nang personal niyang bisitahin ang river wall project sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan.
Ang river wall sa Baliuag ang isa sa mga ghost flood control project na nagkakahalaga ng PHP55.7 million ang kontrata pero hindi pa nauumpisahan at hindi mahanap ang contractor na dapat managot.
“Wala kaming makita na kahit isang hollow block, semento, walang equipment dito. Lahat itong project na ito, ghost project. Walang ginawa na trabaho dito. I’m not disappointed, I am angry,” sabi ni Marcos tungkol sa anomalyang nangyayari sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Read: Nadia Montenegro resigns from Senator Robin Padilla’s office; denies marijuana use