“Ano lang yun, tsismis lang yan. Wala, wala... mahal na mahal ko yun!”
Ito ang natatawang sagot ni Coco Martin sa isyung naghiwalay na sila ng landas ng longtime talent manager niyang si Biboy Arboleda.
Nagkaroon ng pagkakataon si Jeff Fernando ng Daily Tribune at iba pang mga miyembro ng entertainment press na makausap si Coco para sa isa niyang endorsement sa Iloilo City ngayong Linggo, Agosto 31, 2025.
May kinalaman ang tanong kay Coco sa balitang inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Biyernes, Agosto 29, tungkol sa pagkalas niya sa pangangalaga ni Biboy.
Diumano, may kinalaman ang pera sa isyu nila.
Idinaan ni Coco sa pagtawa ang kanyang sagot sa lumabas na ulat.
Pero tumanggi siyang magbigay ng anumang paglilinaw.
Read: Coco Martin, kumalas na sa longtime manager niyang si Biboy Arboleda
THE REAL TRUTH
Dapat maunawaan ng publiko ang inasal ng actor-director dahil maaaring inaayos pa nila ni Biboy ang problemang sumusubok ngayon sa kanilang dating matibay na samahan.
Kahit sinabi ni Coco na “tsismis lang yan,” alam niya sa kanyang sarili na may katotohanan ang ulat na inilabas ng PEP.
Nanggaling ang nakakagulat na detalyeng ito mula mismo sa mga taong nakapaligid kina Coco at Biboy.
Posibleng tinawanan na lamang niya ang isyu para hindi na ito lumaki at hindi na mag-usisa ang press tungkol sa isang maselang usapin.
Bukod dito, kilala si Coco sa pagpapahalaga sa kanyang personal na buhay kaya hangga't maaari ay ayaw niyang pag-usapan at sagutin ang mga isyung ipinupukol sa kanya.
Read: Danzel Fernandez draws backlash over past social-media posts flaunting lavish lifestyle