Hindi napigilan ni Pasig City Mayor Vico Sotto magbigay ng reaksiyon tungkol sa pahayag ng spokesperson nina Sarah at Curlee Discaya na hindi totoo ang bintang na itinago ng mga Discaya ang sampung luxury cars na nawala at hinanap ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) noong Martes, Setyembre 2, 2025.
Biglang lumitaw ang luxury cars kinagabihan at ibinalik sa garahe ng gusaling pag-aari ng pamilya Discaya sa Pasig City.
Bahagi ng paliwanag ni Atty. Cornelio Samaniego III: “Ginagamit ho kasi yung ibang sasakyan.
"So, yung iba naman for maintenance, yung iba naman, e, nailagay sa isang lugar kasi preemptive measure sila ngayon kasi dahil nagbabaha dito sa Pasig.
“Hindi po itinatago. Bakit itatago, e, legal yung mga yun?
"Wala naman hong nagbabawal na bumili ka ng ganitong sasakyan na mamahal, e. Wala po.
”Yang mga allegation na nasa illegal, hindi po totoo yon.”
Read: Discaya couple, isinuko na ang nawawalang luxury cars
Ibinahagi ni Mayor Vico sa kanyang Facebook page ang video ng panayam kay Samaniego.
Komento niya rito: “Sa sobrang dami nilang sasakyan, kinailangan gumawa ni Atty. ng tatlong excuse kung bakit bigla silang nawala.
“Kahit Ondoy level, di naman aabutin ang parking lot nila.
"Yung Rolls Royce na nilabas 2 weeks ago, nakabalik na ba?
"Don’t worry guys. Akala lang nila may naloloko sila pero patibay ng patibay ang mga kaso laban sa kanila.”
MAYOR VICO SOTTO'S FACEBOOK THAT STARTED IT ALL
Malaki ang kinalaman at kontribusyon ni Mayor Vico sa pagkakabulgar ng mga kuwestiyonableng transaksiyon ng mga construction company ng mga Discaya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagsimula ito sa kanyang social media post tungkol sa magkahiwalay na panayam nina Julius Babao at Korina Sanchez kina Sarah at Curlee na ipinagmalaki ang kanilang mga iniingatang kayamanan at luxury cars.
Ang kontrobersiyal na social media post ni Mayor Vico ang dahilan kaya mistulang isang teleseryeng sinusubaybayan ngayon ng sambayanang Pilipino ang imbestigasyon ng Senado sa mga Discaya, sa mga kontratista, at sa mga opisyal ng DPWH.
Read: Mayor Vico Sotto calls out broadcasters over Discaya interviews
Sa panayam ng media kay Mayor Vico ngayong Miyerkules, Setyembre 3, sinabi nitong ipinauubaya niya sa Senado ang pag-iimbestiga.
Saad niya: “I think I’ve already said what I have to say. Wala na naman po akong additional comments. Yun na yon.
"I will let the senators do their job. Tuluy-tuloy lang.
"Kung anuman yung maitutulong namin as local government, of course, we’re doing our own parallel investigations.”
Panawagan ng alklade: “Ang importante dito, managot ang kailangang managot, whether they’re government officials, contractors, suppliers, politicians or career officials, importante may managot.
“Hindi puwedeng pagkatapos ng ilang buwan, tatahimik na lang ang isyu, tapos magkakalimutan na tayo.
"Hindi puwede. Huwag tayong pumayag.
"Bilang mamamayang Pilipino, bilang government official, bilang ordinaryong mamamayan, bilang media, huwag tayong pumayag na magkalimutan tayo after two months, after two years, for that matter.
“Kailangang manatiling buhay yung isyu. Kailangan makasuhan yung mga dapat kasuhan.”
Read: Joey Reyes, Vico Sotto urge accountability in Senate flood probe
LOOKOUT BULLETIN FOR DISCAYA COUPLE
Samantala, humarap sa isang press conference si Atty. Cornelio Samaniego III ngayong Miyerkules, Setyembre 3, 2025.
Nilinaw niyang naririto pa rin sa Pilipinas ang kanyang mga kliyente na Discaya couple.
May kinalaman ang pagsasalita ni Samaniego sa lookout bulletin na hiniling ng bagong talagang DPWH secretary na si Vince Dizon sa Department of Justice (DOJ) para sa mga personalidad na iniuugnay sa anomalous flood control project.
“Masaya sila kahapon. Ang sweet-sweet nga nila kahapon, e,” nakangiting kuwento ni Samaniego tungkol sa mood ng Discaya couple nang magkita sila noong Martes, Setyembre 2.
Saad pa niya: “Lookout bulletin? Trabaho ho yan ng government agency concerned.
"Kung ano po yung nararapat na gawin nila, basta nasa proseso po. Wala ho kaming objection diyan.
"Saka kagaya ho ng sinabi ko kahapon, wala hong itinatago ang pamilya Discaya at haharapin po namin ito nang may pagtalima sa subpoena ng House of Representatives or Senado.
"Makakaasa po kayo diyan, hindi ho yan tatakbo."
Tiniyak naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na pipirmahan niya ang lookout bulletin na hiniling ni Dizon ngayong hapon.
Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman