Higit na napansin ang malaking pagkakahawig kay Michael V. ng contractor na si Sarah Discaya sa pangalawang araw na pagdalo nito sa Senate Blue Ribbon Committee inquiry ngayong Lunes, Setyembre 8, 2025.
Kasama ni Sarah na dumalo sa pagdinig ang asawa nitong si Pacifico “Curlee” Discaya III.
Ang pagdinig ay kaugnay ng mga korapsyon at anomalyang nangyayari sa flood control projects na ipinagkakaloob ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mag-asawa.
Maaaring isa ito sa mga dahilan kaya komportable na siya sa pagharap sa mga senador na malayung-malayo sa kanyang tensyonadong hitsura sa unang pagkakataong pagdalo niya sa Senate inquiry noong Setyembre 1, 2025.
Read: Discayas name congressmen who allegedly took cuts from DPWH deals
Ngayong Lunes, dalawang beses nakitang “nag-finger heart” sign si Sarah.
Nakakangiti na rin siya at nguya nang nguya habang kumakain sa live streaming ng pagdinig ng Senado sa eskandalong kinasasangkutan ng mga construction company nila ni Curlee.
Sa paningin ng ilang mga nakasubaybay sa Senate inquiry, lalong naging kamukha ni Michael V. si Sarah.

Pero biglang naging mabangis ang hitsura ni Sarah habang ibinubulgar ni Curlee ang mga pangalan ng mga kongresista at mga tauhan ng DPWH na binigyan umano nila ng 25 hanggang 30 porsyentong komisyon para maaprubahan ang kanilang mga proyekto sa gobyerno.
VIRGILIO EDUARTE VS CURLEE DISCAYA
Base sa mga isiniwalat ng mga Discaya, na binasa nila sa pamamagitan ng kanilang sinumpaan at pinirmahang pahayag, sila ang mga biktima at nakaranas ng pang-aagrabyado mula sa mga mambabatas at mga kawani ng DPWH.
Si Regional Director Virgilio Eduarte of DPWH Region V ang isa sa mga pinaratangan ni Curlee na binigyan nito ng komisyon.
Lahad ni Curlee: “Humihingi ako ng tulong sa kanya [Eduarte] kasi na-freeze ng bangko ang mga account namin kahit wala pang court order ng AMLAC [Anti-Money Laundering Council]. Baka puwede pong makautang at makahingi ng tulong.
“Ang nangyari po, mukhang naramdaman niyang magsasalita na ako kaya isinauli po niya yung 25 percent plus parking fee, kulang pa nga.
"Yung driver po niya ang nagsauli, three days ago.”
Tahasang itinanggi ni Eduarte ang mga binitiwang salita ni Curlee.
FROM ACCUSED TO WHISTLEBLOWERS?
Tila may pagtatangka at umaasa naman ang mag-asawang Discaya na mula sa pagiging mga akusado ay maging whistleblowers at mga state witness sila para maproteksiyunan ang kanilang mga personal na interes.
Hiningi ng mag-asawang Discaya ang tulong ng Senado para sa kanilang proteksiyon.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Senator Rodante Marcoleta, nakipag-ugnayan na siya kay Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla.
Saad ni Marcoleta, “Nung natanggap ko po ang sworn statement na ito, agad akong nakipag-ugnayan sa ating Department of Justice at dun po ay sinabihan ako ng ating kalihim, Boying Remulla, na ‘Pakisabi kamo sa kanila, huwag silang mabahala at nakahanda naman ang ating kagawaran kung saka-sakali sila ay mapatunayang hindi naman most guilty.’
“Kasi po, ang tuntunin sa ating State Witness Law or Protection Program, kailangan pong mapatibayan natin na ang mga nag-a-apply ay hindi most guilty.
"Ibig sabihin, guilty ngunit hindi ikaw ang pinaka-guilty kasi kung kayo po talaga ang pinaka-guilty, hindi po kayo magku-qualify.
“You can tell them that meron silang provisional immunity na hindi naman sila basta-basta uusigin na lang.
"Preparation na po ito nila sa pag-a-apply sa ating State Witness Protection Program.”
Pinayuhan naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mag-asawang Discaya na mag-ingat dahil sa mga mambabatas at DPWH officials na idinamay nila sa kanilang mabigat na akusasyon.
“I just would like to advise the Discaya couple, kung meron mang bulletproof yung sasakyan ninyo, yung magagandang sasakyan, gamitin na ninyo.
“Because I am very much concerned sa inyong security dahil sa bibigat ng pinagsasabi ninyo,” babala ni Dela Rosa sa mag-asawa.