Ipinagtanggol ng aktres at dating beauty queen na si Alma Concepcion ang kanyang matalik na kaibigan na si Sylvia Sanchez at ang anak nito, ang aktor at Quezon City First District representative Arjo Atayde.
Inuulan ngayon ng batikos si Arjo matapos siyang pangalanan ng contractor na si Curlee Discaya bilang isa sa mga mambabatas na binibigyan umano niya ng komisyon mula sa mga proyekto ng St. Gerrard Construction para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Read: Discayas name congressmen who allegedly took cuts from DPWH deals
Ngayong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, ni-repost ni Alma sa Facebook page nito ang kanyang post na may petsang Oktubre 18, 2021.
Nakasaad dito ang pasasalamat ni Alma sa pag-imbita ni Sylvia na magbakasyon sila ng mga kasama niya sa beach house ng aktres sa Tali, Nasugbu, Batangas.
Sabi ni Alma sa caption ng kanyang post, existing na ang mga ari-arian ng pamilya Atayde bago pa man mahalal si Arjo bilang congressman.
Saad niya: “MALINAW po ang mga petsa. Ang mga ari-arian tulad ng rest houses, yate na binabanggit sa balita ay nakita na namin noong 2021. Si Congressman Arjo Atayde ay nahalal noong 2022.
“Paki-check po ang timeline kung kailan na-acquire ang mga ito bago maghusga.”
Mapapanood naman sa YouTube channel ng kapatid ni Alma na si Albert ang three-year-old video ng rest house tour nito at paggamit nila sa yate na pag-aari ng pamilya ni Sylvia.
Read: Korina Sanchez replies to netizens tagging her Sylvia Sanchez interview as "resibo"
ARJO ATAYDE INCLUDED IN DISCAYA LIST
Ginagawan ng isyu ngayon ang mga ari-arian ng Atayde family, ang kanilang paggamit ng helicopter, ang mga biyahe ni Arjo at ng asawa nitong si Maine Mendoza sa iba’t ibang bansa, at ang diumano’y pagkakaroon nila ng bahay sa France.
Ito ay matapos ang rebelasyon ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 8, 2025, tungkol sa mga kongresista, personalidad, at DPWH officials na tumanggap mula sa kanila ng milyun-milyong piso.
Ginamit na basehan o resibo ng mga netizen sa kanilang panghuhusga ang mga video ng lifestyle feature at panayam nina Korina Sanchez at Karen Davila kay Sylvia.
Read: Congressman Arjo Atayde on Discayas: "I’ve never dealt with them."