Ang korapsyon sa pamahalaan at ang mga anomalya sa flood control project na pinagkakitaan ng bilyun-bilyong piso ng mga pulitiko, kontratista, at mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dahilan kaya sunud-sunod ang mga kilos-protestang mangyayari sa Pilipinas.
BLACK FRIDAY PROTEST
Ngayong Biyernes, Setyembre 12, 2025, magaganap ang Black Friday protest sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Bilang paghahanda, nagtalaga ng mahigit isang libong pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga lugar na puwedeng puntahan ng mga magpoprotesta.
Kabilang dito ang Mendiola, Manila; ang mga tanggapan ng DPWH; at mga gusali ng Senado at House of Representatives.
Suportado ni University of the Philippines Chancellor Edgardo Vistan ang Black Friday protest at walkout habang naghahanda ang mga mag-aaral para sa isang mas malawakang rally laban sa korapsyon at panawagan na bigyan ng mas malaking pondo ang edukasyon.
Read: Gen Z protests sa Nepal, sumiklab dahil sa corruption

SEPTEMBER 13 PROTEST AT EDSA SHRINE
May kinalaman pa rin sa flood control project anomalies ang kilos-protesta na magaganap sa Sabado, Setyembre 13 — ang ika-68 kaarawan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.
Pangungunahan ng Group Hakbang ng Maisug ang mapayapang protesta laban sa korapsyon na idaraos sa EDSA Shrine, Quezon City.
Pinagmulan ito ng balitang hinihigpitan ang seguridad sa isang lugar sa Makati City na tahanan ng ilang mga politikong kinukuwestiyon ang kayamanan dahil sa pangambang baka sugurin ito ng mga demonstrador.
A TRILLION PESO MARCH
Ibinahagi naman ng aktor na si Edu Manzano sa kanyang Facebook page ang kilos-protestang magaganap sa harap ng EDSA People Power Monument sa Quezon City, sa Setyembre 21, 2025, 2:00 P.M.
Tinawag na "A Trillion Peso March, Mahiya Kayo. Ikulong Na!" ang pagtitipon na itataon sa paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagdedeklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ng martial law noong Setyembre 21, 1972.
Read: Mga Pinoy, nakaka-relate sa mass protests sa Indonesia
BILYON PEOPLE MARCH
Magdaraos din ng kilos-protesta sa Luneta Park, Lungsod ng Maynila, sa Setyembre 21, 9:00 A.M. Tinawag itong Bilyon People March.

MOTORCYCLE RIDE AGAINST CORRUPTION
Sa September 21 din ay magkakaroon ng Motorcycle Ride Against Corruption sa People Power Monument sa ganap na ala-sais ng umaga.
CHITO RONO: "I PREDICT IT WILL FAIL"
Pero may kutob ang multi-awarded director na si Chito Roño na hindi magtatagumpay ang mga kilos-protesta na magkakasunod at sabay-sabay.
Rason niya: “Daming rally pero udyok lang yata ito. It’s not organic. I predict it will fail.”
May reaksiyon din si Roño tungkol sa parody na kahit hindi niya pinangalanan, tumutukoy sa panggagaya ni Michael V. kay Sarah Discaya, ang kontratistang sangkot sa flood control projects scam.
“It’s a serious matter. Why parody it so soon?” sabi ni Roño.
Read: Discaya compound sa Pasig, sinugod ng mga nagpoprotesta