Ngayong Lunes, Setyembre 15, 2025, ang ika-25 kaarawan ng Korean actor na si Lee Chae-min.
Ang pinakamataas na rating ng pinagbibidahan niyang K-drama series na Bon Appétit, Your Majesty sa South Korea ang maituturing na isa sa mga pinakamagandang regalo na natanggap niya.
Noong Setyembre 14, inanunsiyo ng Nielsen Korea na ang Bon Appétit, Your Majesty ang nakakuha ng pinakamataas na 15.4% average nationwide rating sa timeslot nito sa lahat ng TV channels buhat nang ipalabas sa TVN noong Agosto 23, 2025.
Ang Nielsen ang kompanya na kinikilala bilang nangunguna sa audience measurement.
Biglang sumikat si Lee Chae-min at nadagdagan ang bilang ng kanyang mga tagahanga mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Read: Vice Ganda praised for handling It's Showtime gaffes with poise
NOT THE FIRST CHOICE
Nag-umpisa ang acting career ni Lee Chae Min noong 2021, at ang Bon Appétit, Your Majesty ang pinakamalaking proyekto niya dahil siya ang bidang lalaki rito.
Pero hindi siya ang original choice na gumanap na King Hi Yeon sa Bon Appétit, Your Majesty.
Ang 40-year-old actor na si Park Sung Hoon ang orihinal na napili, pero nasangkot siya sa isang kontrobersiya noong Disyembre 2024.
Hindi sinasadyang na-post ni Park sa kanyang Instagram story ang Japanese adult video cover na parody ng Squid Game.
Sa isang panayam noong Enero 2025, nagsisisi siyang humingi ng tawad.
Ang naturang kontrobersiya ang dahilan para tanggalin si Park Sung Hoon sa cast ng Bon Appétit, Your Majesty at si Lee Chae-min ang ipinalit sa kanya bilang bida at leading man ni Yoona ng Girls’ Generation.
Read: Chinese actor Yu Menglong dies after falling from building
LEE CHAE MIN'S GROWING POPULARITY
Hindi lamang hit sa South Korea ang Bon Appétit, Your Majesty dahil tinatangkilik din ito sa Netflix.
Mabilis na umakyat sa unang puwesto sa Top 10 TV shows ng Netflix Philippines ang Bon Appétit, Your Majesty.

Nagustuhan ito ng maraming Pilipino na kilig na kilig sa tambalan nina Lee Chae-min at Lim Yoona, na nagpapaalaala sa kanila sa mga karakter nina Hyun Bin at Son Ye Jin sa 2020 Korean romantic series na Crash Landing on You.
Ang Bon Appétit, Your Majesty ay tungkol kay Yeon Ji-yeong (Lim Yoona), isang makabago at mahusay na chef na naglakbay pabalik sa panahon ng Joseon Dynasty dahil sa solar eclipse ang kuwento.
Si Yi Heon (Lee Chae Min) ang hari ng Joseon Dynasty at may imahe na isang suplado at malupit na pinuno. Pero naging magiliw siya kay Yeon Ji-yeong dahil sa magandang ugali at husay nito sa pagluluto.
Sa tunay na buhay, sampung taon ang agwat ng mga edad nina Yoonah, 35, at Lee Chae-min, 25.
Pero hindi ito hadlang para hindi kiligin sa kanila ang mga masugid na manonood na takam na takam din sa mga iba’t ibang putahe ng pagkain na niluluto ng karakter ni Yeon Ji-yeong, tulad ng rice wine beef bourguignon, dongnae pajeon, gochujang butter bibimbap, at ang mouth-watering dessert na black sesame macaron.
Read: Robin Padilla denies flashing middle finger during "Lupang Hinirang"