Opisyal na nagwakas ngayong Sabado, Setyembre 27, 2025 sa Midtown Atrium ng Robinsons Place Manila ang 5th Philippine Film Industry Month (PFIM) na nagsimula noong Setyembre 1.
Ang PFIM na may temang "Pelikula at Pilipina" ang isa sa mga proyekto ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), na pinamumunuan ng CEO, Chairperson, at award-winning director na si Jose Javier Reyes.
"Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Hindi po mabubuhay at hindi mabubuo ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino kung wala kayo na manonood kaya mabuhay ang pelikulang Pilipino.
"Higit sa lahat, mabuhay kayong manonood ng pelikulang Pilipino," ang mensahe ng pasasalamat ni Reyes sa mga sumuporta sa PFIM.

Read: Klarisse de Guzman reveals Regine Velasquez waived TF for her
OTHER HIGHLIGHTS
Ipinakita sa closing ceremony ng PFIM ang isang buwan ng mga makabuluhan na gawain ng FDCP.
Kasama rito ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging kababaihan na may malaking kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino: ang mahusay na cinematographer na si Lee Briones-Meily, ang direktor na si Olivia Lamasan, movie producer Malou Santos, at ang multi-awarded actress na si Gina Alajar.
Bahagi rin ng PFIM ang 8th Sine Kabataan Short Film Festival, Audiovisual Archiving Seminar and Workshop, ang paglulunsad na kauna-unahanng Film Industry Roadmap, at ang Pelikula ng Bayan.

Read: Vice Ganda's "kunyari close-close tayo" comment draws speculation
HOSTS AND GUESTS
Sina Amy Perez at Mr. Fu ang mga host ng closing ceremony ng PFIM.
Mga panauhin ang Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition housemates na sina River Joseph, Esnyr Ranollo, Will Ashley, at Michael Sager na pinagkaguluhan ng kanilang mga tagahanga.
Nanawagan ang apat na suportahan at tangkilikin ng lahat ang mga pelikulang Pilipino, pati na ang mga upcoming project nila.

Magkasama sina Esnyr at River sa Call Me Mother, isa sa mga official entry sa 51st Metro Manila Film Festival sa Disyembre 2025.
Mapapanood si Michael sa Huwag Kang Titingin, na ayon sa kanya ay malapit nang ipalabas sa mga sinehan.
Samantalang ang Bar Boys: After School ang pelikula na pinagbibidahan ni Will.
Guest performers sa closing ceremony ng PFIM sina Jason Dy, Lara Maigue, ang Calista P-pop group, at ang ALYSON band.