Malaking isyu para sa mga masugid na tagahanga ni Mandy Moore, 41, ang pagbabago ng kanyang pisikal na kaanyuan.
Para sa kanila, malayung-malayo ang hitsura ng American singer-actress noon at ngayon.
Si Mandy ang nagpasikat sa mga awiting "Candy," Crush," at "I Wanna Be With You."
Tumatak din ang kanyang pagganap sa pelikulang A Walk To Remember (2002).

MANDY MOORE'S NEW LOOK
Hindi makapaniwala ang ilang mga tagasuporta ni Mandy sa ipinagbago ng physical appearance nito.
Unang napagtuunan ng pansin ang malaking ipinag-iba ng hitsura ni Mandy nang ibahagi nito sa social media ang larawan nila ng aktres na si Lupita Nyong'o nang makipag-usap sila sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives ng Amerika para sa pondo ng Women’s Health Research Center.

Nabahala ang mga tagahanga ni Mandy dahil hindi agad nila nakilala ang sikat na singer-actress.
Pinatulan din ng Page Six ng New York Post ang physical transformation ni Mandy, na napansin nang dumalo siya sa Inspiration Awards 2025 ng Step Up sa Los Angeles, California, noong Setyembre 26, 2025.
Inilathala ng Page Six ang mga negatibong komento at haka-haka ng mga tao tungkol sa pisikal na anyo ni Mandy.
Parang nalimutan nilang maaaring may mga pinagdaraanan sa kalusugan at nagkakaedad ang lahat ng mga tao.
Ipinagtapat ni Mandy noong 2022 ang kanyang karamdaman—ang autoimmune disease na immune thrombocytopenic purpura o pagkakaroon ng mababang platelets.
MANDY MOORE AND BILLY CRAWFORD
Dalawang beses nang nagtanghal sa Pilipinas si Mandy, noong Nobyembre 2003 at Marso 2008.
May Filipino showbiz connection din si Mandy dahil napabalita noon na, diumano, nagkaroon sila ng relasyon ni Billy Crawford.
Sa panayam kay Mandy nang bumisita ito sa Pilipinas noong Marso 2008, sinabi niya: “Yeah. I remember that but I don't even think it as a relationship... it was so long ago... we were practically kids. We didn't even get to go out without our respective chaperones."