Naghiwalay ang mga magulang ni Jillian Ward na sina Jennifer Ward at Elson Penzon noon pang 2020.
Pero hindi ito nalaman ng publiko dahil pinili nilang manatiling tahimik ang kanilang pribadong pamumuhay.
Nang makausap ng Cabinet Files si Jennifer, ikinuwento nitong mapayapa ang nangyaring hiwalayan dahil ayaw nilang maapektuhan ang kanilang mga anak.
Read: Jillian Ward, sinagot ang alegasyong ibinubugaw siya ng ina
Limang taon matapos magwakas ang kanilang relasyon, mabuting magkaibigan na raw sila ngayon ni Elson.
Bukas ang komunikasyon ng dating mag-asawa, co-parenting sila sa kanilang mga anak, at nagtutulungan daw sila para sa bagong bahay na ipinatatayo ni Jillian.
Hindi lamang ang paghihiwalay nila ng kanyang asawa ang malungkot na karanasan na pinagdaanan ni Jennifer.
Noong 2021, namatay ang nanay niya na mahal na mahal si Jillian.
Ipinagtapat ni Jennifer na hanggang ngayon, dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ng kanyang ina dahil sa COVID.
Read: Jillian Ward at kanyang ina, desididong magsampa ng cyberlibel

JILLIAN WARD ON HER PARENTS' SEPARATION
Labing-anim na taon ang edad ni Jillian nang maghiwalay ang mga magulang nito at nang lumitaw ang mga malisyosong balita tungkol sa kanya.
Sinarili ni Jillian ang sakit ng kalooban na nararamdaman dahil ayaw niyang makadagdag sa personal na problema ng kanyang ama at ina.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si Jillian sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda tungkol sa kalbaryo niya noon.
Lahad ng Kapuso actress: “Honestly po, sobrang naging mahirap po siya for me kasi kailangan pumagitna sa parents ko. Tapos habang nangyayari yon, merong mga fake issues about me.
“Na kada bubuksan ko yung Facebook, TikTok, even Reddit, may mga kuwento po about me na hindi totoo.
"Yung parents ko po noon, they’re going through a tough time so ayoko din silang guluhin, istorbohin sa mga nangyayaring isyu sa career ko.
"So, naging mahirap po talaga siya.
“Somehow I had to face it alone especially noong minor po ako, when it started, I was sixteen years old.”
Sa interview niya sa Fast Talk With Boy Abunda noong Martes, Oktubre 21, 2025, mariing pinabulaanan ni Jillian ang mga balitang nag-uugnay sa kanya sa pulitiko at negosyanteng si Luis “Chavit” Singson at ang alegasyong ibinubugaw siya ng sariling ina.
Isang prominent showbiz personality ang nakipag-ugnayan kay Singson para sa panig nito.
Tumugma ang sagot ng kontrobersiyal na pulitiko sa pahayag ni Jillian na hindi sila magkakilala at hindi pa nila nakikita nang personal ang isa’t isa.
Read: Chavit Singson, nagkomento sa pagkakaugnay kina Jillian at Yen