Nagkaroon ng pag-uusap sina Coco Martin at TV5/MediaQuest Chairman Manny Pangilinan noong Huwebes, Oktubre 23, 2025, para sa kanilang pagsasanib-puwersa para sa mga proyekto ng actor-director, tulad ng pelikula.
Mula nang maghiwalay sila ng landas ng kanyang manager na si Biboy Arboleda, si Coco na ang nakikipag-usap para sa mga proyekto niya sa telebisyon at pelikula.
Read: Coco Martin, kumalas na sa kanyang longtime talent manager

IS SHIRLEY KUAN THE NEW MANAGER OF COCO MARTIN?
Dalawang tao mula sa ABS-CBN ang nakipag-ugnayan sa Cabinet Files kamakailan.
Ayon sa kanila, ang talent manager na si Shirley Kuan na ang namamahala ngayon sa showbiz career ni Coco.
Mali ang akala ng mga taong tumawag sa Cabinet Files.
Ipinaliwanag namin sa kanilang matagal nang manager for endorsements ni Coco si Shirley.
Para sa kaalaman ng lahat, si Shirley ang manager for endorsements ni Coco sa loob ng mahigit sa labinlimang taon.
May pahintulot ni Biboy ang lahat dahil siya ang nakipagkasundo kay Shirley para ito ang mamahala sa brand endorsements ni Coco.
Si Shirley ang manager nina Albert Martinez, Bea Alonzo, at Andrea Brillantes.
Read: Emman Atienza: Remembering a Gen Z advocate's impact
NOT FAKE NEWS
Nang ilabas ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Agosto 29, 2025 ang balitang may kinalaman sa pera ang paghihiwalay ng landas nina Coco at Biboy, nakarating sa amin ang impormasyong isang visible entertainment reporter ng isang network ang nagsabing "fake news" ang ulat ng Cabinet Files.
Dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang lumabas ang balita kaya maaaring alam o natanggap na ng entertainment reporter ang katotohanang totoo at hindi fake news ang ulat na kanyang pinagdudahan.
Samantala, pinag-uusapan na ang nalalapit na pagwawakas ng FPJ's Batang Quiapo, na nag-umpisang mapanood sa telebisyon noong Pebrero 13, 2023.
Para sa mga nagdududa, isa ring totoo—hindi fake news—ang pinaplano at nalalapit na pagtatapos ng action-drama series ni Coco na napapanood sa TV5, A2Z, at Kapamilya Channel.
Read: Coco Martin, tinawanan ang balitang pagkalas kay Biboy Arboleda