Naabutan ng Cabinet Files ngayong Biyernes, Oktubre 31, 2025, ang mahabang pila ng mga kostumer sa Morning Sun Eatery and Great Taste Bbq Haus sa J.P. Rizal Street, Project 4, Quezon City.
Naroroon din ang iba’t ibang kinatawan ng news outlets na nais makapanayam ang may-ari ng karinderya.
Dinagsa ng mga tao ang karinderya ng Morning Sun mula pa noong Huwebes ng gabi, Oktubre 30, matapos itong gawaran ng Bib Gourmand ng Michelin Philippines Guide.

Ang Bib Gourman ay pagkilala sa mga restaurant na dekalidad ang mga pagkain pero mura ang presyo.
Kabilang ang Morning Sun sa dalawampu’t limang kainan sa Pilipinas na tumanggap ng Bib Gourmand mula sa Michelin Philippines Guide inaugural selection na idinaos sa Manila Marriott Hotel, Pasay City, noong Huwebes, Oktubre 30.
Isinilarawan ng Michelin Guide ang Morning Sun Eatery bilang modest roadside eatery na naghahain ng authentic Ilocano comfort food.
Bahagi ng citation: “The place uses a turo-turo style of service, where diners pick their dishes from the counter before they’re brought to the table.
“Presented with a rich flavour, home-style classics such as kilawin, sweet pork skewers, pinakbet, and the standout laing: taro leaves simmered in coconut milk pairs well with rice.”
Read: Atang, inlubi, and other food traditions during Undas
OWNERS OF MORNING SUN EATERY CLUELESS ABOUT MICHELIN
Si Elizabeth Mortera ang nagtatag ng Morning Sun Eatery noong Nobyembre 1996.
Ayon sa kanyang anak na si Lyn, hindi sila dumalo sa Michelin Philippines Guide inaugural selection sa kabila ng imbitasyong natanggap nila.

“Bale po, nag-email po sila sa amin na meron kaming invitation na pupunta, kaso lang hindi kami nakapunta kahapon,” may panghihinayang ang boses na pahayag ni Lyn nang makausap siya ng Cabinet Files.
“Nanghinayang po ako na hindi kami nakapunta.
"Ang kaso lang po, hindi kasi ako pamilyar sa Michelin. Wala kaming alam.
"Tapos sa Marriott Hotel pa ang event, hindi po kami sanay.
“Baka kailangan naka-dress diyan, e, hindi naman po kami sanay na naka-dress kaya hindi po namin inintindi ang email.”
Nalaman ni Lyn na ginawaran ng Michelin Philippines Guide ng Bib Gourmand ang kanilang karinderya dahil sa pagdagsa ng mga tao sa lugar nila noong Huwebes ng gabi.
Saad niya: “Wala po talaga kaming alam. Kagabi lang nalaman dahil biglang dumami ang mga tao, saka ngayon.
“Pumunta pa sila talaga dito kagabi para sabihin na ‘Uy, nanalo kayo.’
“Pinanood po nila yung awarding, sabi nila ‘Tingnan ninyo o.’
“Saka kaninang madaling-araw pa lang po, marami na ang nagpapa-reserve.”
Read: Nutritionist reveals truth about white, brown, and specialty eggs
OVERNIGHT CHANGE
Hindi makapaniwala si Lyn sa biglang pagbabago ng kanilang buhay sa isang iglap.
Lahad niya: “Opo, nagbago ang buhay namin since kahapon po. Proud po and sobrang happy kami.
“Ang mother ko nga po, mangiyak-ngiyak kanina dahil sa dami ng mga kostumer.
“Overwhelming po talaga. Thankful po kami at sobrang saya talaga dahil ganito karami ang mga kostumer.”
Ano ang mga pagbabagong gagawin nila para sa kanilang karinderya?
“Sa mga luto po namin, magdadagdag na po kami," sabi ni Lyn.
"Ang malakas sa amin, mga inutakan, dinakdakan, mga lutong kambing po, saka po yung mga inihaw talaga. Kami-kami lang po ang nagluluto.”

THE MICHELIN GUIDE
Maingat na pinipili ng Michelin Guide ang listahan ng mga restaurant sa Pilipinas na gagawaran nila ng bituin at Bib Gourmand.
Mga hindi nakikilala at nagpapakilala na inspektor ng Michelin mula sa iba’t ibang bansa ang naglibot sa mga kainan sa Maynila at mga karatig-lalawigan sa Luzon at Visayas para tikman ang mga pagkaing binibili nila.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Lyn, sinabi nitong talagang hindi niya kilala ang kinatawan ng Michelin na nagsadya sa kanilang karinderya.
Nalaman na lang nilang nabigyan sila ng karangalan na Bib Gourmand dahil sa email na kanilang natanggap pero binalewala niya.
Bukod sa hindi pamilyar sa Michelin Guide, hindi nga raw sila sanay na magbihis nang pormal para dumalo sa isang pagtitipon na gaganapin sa isang marangyang hotel.