Limang araw matapos manalo sa kanyang laban sa boksing sa Thrilla In Manila 2 sa Araneta Coliseum noong Oktubre 29, 2025, ibinahagi ni Eman Bacosa Pacquiao sa Facebook page nito ngayong Lunes, Nobyembre 3, ang mga larawan nila ng kanyang ama, ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, at ng misis nitong si Jinkee Pacquiao.
Kuha ang litrato ng tatlo sa Araneta Coliseum nang lumapit si Eman sa kanyang ama at kay Jinkee para magbigay ng respeto.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita sila ng publiko na magkakasama.
Read: Anak ni Manny Pacquiao, panalo sa Thrilla in Manila 2
“Grateful to have you both my dad Manny Pacquiao together with his beautiful wife. Thank you Lord!!!” caption ni Eman sa kanilang larawan.
Nilagyan niya ito ng hashtags na #Godisgoodallthetime #HolySpiritBreakthrough at #Godisfaithful.
Naka-tag din sina Manny at Jinkee sa Facebook post ni Eman — isang pahiwatig na maayos ang relasyon nito sa kanyang madrasta.
"PIOLO PACQUIAO"
Buhat nang lumabas ang video at larawan ng pagtatagpo ng tatlo sa Araneta Coliseum noong nakaraang linggo, nadagdagan na ang Facebook followers ni Eman.
Mula sa 207K, meron na siyang 222K followers, at patuloy na nadaragdagan ang bilang.
Dumami ang mga tagahanga ni Eman dahil sa ipinamalas niyang humility o kababaang-loob at sa malakas na pananampalataya niya sa Diyos.
Nakadagdag din sa popularidad ni Eman ang kanyang artistahing hitsura at taas na 5’10".
“Piolo Pacquiao” ang tawag kay Eman ng kanyang mga tagahanga dahil sa kanilang paningin, malaki ang pagkakahawig ng anak ni Manny kay Piolo Pascual.
“Salamat po,” reaksiyon ni Eman sa isang social media comment na kamukha niya ang 48-year-old actor.
May mga nagpapayo rin sa kanyang subukang pumasok sa showbiz na ginawa rin ni Manny noong nagsisimula ang pagsikat nito bilang boksingero.
Kung hindi man makumbinsi si Eman na mag-artista, hindi malabo ang posibilidad na magkaroon siya ng product endorsements dahil sa kanyang magandang imahe at mainit na pagtanggap ng publiko bilang tagapagmana ng ama niyang isang boxing icon sa buong mundo.
Read: Manny Pacquiao reacts to being seen with Jinkee at Eman's match