Hindi lamang si Slater Young ang nasa sentro ng kontrobersiya kaugnay ng malawakang pagbaha sa Cebu na naganap noong Martes, Nobyembre 4, 2025.
Nababanggit din ng mga netizen ang pangalan ni Congressman Duke Frasco, kinatawan ng Fifth District ng Cebu at mister ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco.
Slater Young under fire for Monterazzas project
Bilang inhinyero at developer ng proyekto, kay Slater isinisisi ng mga netizen ang matinding flash floods na tumama sa iba’t ibang bahagi ng Cebu.
Ayon sa mga kritiko, ito umano ang resulta ng pagtatayo ng The Rise at Monterazzas, isang Banaue Terraces-inspired mountainside real estate development na sumasakop sa mga barangay Guadalupe, Sapangdaku, Buhisan, at Tisa.
Bagamat hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Slater hinggil sa mabibigat na akusasyon laban sa kanya, napansin ng mga netizen na limitado na ang maaaring magkomento sa kanyang social media accounts.
Read: Slater Young’s Monterazzas project blamed by netizens for Cebu flooding
CONGRESSMAN FRASCO DRAWS FLAK FOR RELIEF GOODS BEARING HIS FACE AND NAME
Samantala, nadadamay rin si Congressman Duke Frasco sa kontrobersiya matapos siyang batikusin dahil sa relief goods na ipinamigay ng kanyang team sa mga nasalanta ng Typhoon Tino.
Makikita ang kanyang pangalan at larawan sa mga bottled water, instant coffee, at sardinas.

Ibinahagi mismo ng kongresista sa kanyang official Facebook page ang mga litrato ng pamamahagi ng tulong sa mga residente ng Liloan, Cebu, kalakip ang kanyang mensahe:
“Padayon gihapon ang atong distribution of relief goods and conduct of feeding activities for our people in Liloan. Our efforts will not stop, even with our limited supply of relief goods.
“We have also requested the assessment of all damages and casualties from the LGUs in the 5th District of Cebu so that we can provide assistance to all those affected."
Kalakip ng mensahe ng kongresista ang mga larawan ng pamamahagi ng relief goods ng kanyang mga tauhan sa mga biktima ng baha.
Kasama sa mga litratong ibinahagi ang isang lalaki na may hawak ng bottled water na may tatak na “Frasco.”
Gayunman, umani ito ng pambabatikos mula sa netizens na nagsasabing hindi nararapat lagyan ng personal branding ang mga tulong, lalo’t pinaniniwalaang galing ito sa kaban ng bayan.
Pinalala pa ng isyung ito ang mga akusasyong wala sa Cebu si Congressman Frasco nang manalasa ang bagyo, at sa halip ay nasa London umano.
Sa ulat ng SunStar Cebu noong Biyernes, Nobyembre 7, 2025, ipinaliwanag ng misis niyang si DOT Secretary Christina Garcia-Frasco ang kanilang biyahe sa London bilang bahagi ng Philippine delegation sa World Travel Market.
Bumalik sa Pilipinas ang DOT secratary noong Nobyembre 5, at dumiretso raw siya agad sa kanyang hometown sa Liloan pagdating niya noong Nobyembre 6.
Bahagi ng pahayag ni Garcia-Frasco: "I arrived in London on the morning of November 4 as head of the Philippine Delegation at the World Travel Market. I represented the country at the Ministerial Summit and also led the opening of the Philippine Stand in the evening.
"Given the severe situation in Cebu, I took a flight the very next day, November 5, to return to the Philippines. When we arrived today, November 6, we proceeded directly to Liloan.”
Sa hiwalay na Facebook post ay ibinahagi ni Congressman Duke Frasco ang pagbisita nila ni DOT Secretary Garcia-Frasco sa burol ng mga nasawi dahil sa flash floods.
Read: Bahay ni Miami Heat coach Erik Spoelstra sa Miami, tinupok ng apoy