Binasag ng American storm chaser na si Josh Morgerman ng iCyclone ang paniniwala ng karamihan sa mga Pilipino na malaki ang kinalaman ng Sierra Madre sa paghina ng Category 5 Super Typhoon Uwan nang baybayin nito ang bahagi ng kabundukan sa hilagang Luzon.
Nakita ni Morgerman ang social media posts ng mga Pilipino na nagpapasalamat sa Sierra Madre dahil pinahina umano nito ang mapanganib na bagyo, na may international name na Fung-wong.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ngayong Lunes, Nobyembre 10, 2025, ibinahagi ng storm chaser ang kanyang kaalaman.
Read: Storm chaser Josh Morgerman, nasa Piipinas para i-cover ang typhoon Uwan
Saad ni Morgerman: “Many folks are posting misinformation about the Sierra Madre Mountains in the Philippines.
"Let me set the record straight: The Sierra Madre chain weakens typhoons after they make landfall on the east coast of Luzon.
"These mountains do not protect the east coast of Luzon, which regularly experiences some of the strongest tropical cyclone impacts in the world."
Marami nang kaalaman si Morgerman tungkol sa mga malalakas at mapaminsalang bagyo dahil sa kanyang mga personal na karanasan.
GUARDIANS OF LUZON
Sa kabila ng paglilinaw ni Morgerman, hindi siya pinaniniwalaan ng ibang mga kababayan natin.
Kumbinsido silang ang Sierra Madre ang bumasag sa mata ng Super Typhoon Uwan at patuloy na nagpoprotekta sa mga mamamayan ng Luzon sa tuwing may malalakas na bagyong dumarating.
Bago pa man naganap ang landfall ng super typhoon Uwan, nag-trend ang Sierra Madre sa social media dahil ang naturang kabundukan ang nagbigay ng pag-asa bilang tanging pangsalag o harang sa paparating na malakas na bagyo.
Read: Sierra Madre, muling nag-trending dahil sa super typhoon Uwan
Noong Sabado ng gabi, Nobyembre 8, lumaganap sa Facebook at sa ibang social media platforms ang “Salamat Sierra Madre” bilang pasasalamat dahil sa paghina ng Super Typhoon Uwan — na hindi masyadong naramdaman sa Metro Manila at karatig-lalawigan.
Ang matinding pananampalataya sa Sierra Madre ng ilang mga Pilipino ay, sa tulong ng AI, biglang nagkaroon ng mukha at naging diwata ang nabanggit na kabundukan, gaya ni Maria Makiling, ang diwata sa maalamat na bundok ng Makiling sa Los Baños, Laguna.
Hindi lamang ang Sierra Madre ang pinasalamatan ng mga Pilipino dahil kasama rin sa kanilang pasasalamat ang mga kabundukan ng Caraballo at Cordillera, na binansagang "Guardians of Luzon" — na binigyan din ng mukha ng mga Pilipinong may malikhaing imahinasyon.
Pero dapat ipaalala sa lahat na ang Sierra Madre, Caraballo, at Cordillera ang mga kabundukang nilikha ng Diyos kaya Siya pa rin ang dapat pasalamatan.
Kung may nararapat mang gawin ang mga tao, ito ay ang pangalagaang mabuti at huwag abusuhin para sa sariling kapakanan ang mga nilikha ng Panginoong Maykapal.
Read: News reporters, pumukaw ng atensiyon sa gitna ng bagyong Uwan