Ngayong Huwebes ang World Kindness Day na ipinagdiriwang sa buong mundo tuwing Nobyembre 13.
Nag-umpisa ito noong 1998 dahil sa pagtataguyod ng World Kindness Movement.
Tampok sa World Kindness Day ang mga mabubuting gawain sa lipunan ng mga taong nagsisilbing tulay para sa kabutihang nagbubuklod sa lahat — anuman ang lahi, kasarian, relihiyon, at kinaroroonan.
Read: Kim Atienza calls for compassion, kindness after daughter's death
Ang kaunting kabutihan o kabaitan ang kailangang iparamdam at maramdaman ni AJ Raval matapos nitong aminin sa Fast Talk With Boy Abunda noong Miyerkules, Nobyembre 12, 2025, ang pagkakaroon niya ng limang anak.
Ang unang dalawang anak ni AJ ay mula sa dati niyang karelasyong walang kinalaman sa showbiz.
Ang tatlo naman ay mula sa kinakasama niya ngayon na si Aljur Abrenica.
May mga pumupuri sa pag-amin ni AJ at inunawa ang makailang beses na pagtangging ginawa niya noon tungkol sa kanilang mga anak ni Aljur.
Pero hindi maiiwasan ang mga batikos mula sa mga taong sarado ang isip at tila kaligayahan na ang manira ng kapwa.
Read: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica
A MOTHER WHO LOST A CHILD
Ang online bashing ang pangunahing dahilan ng desisyon ni AJ na talikuran ang showbiz noong aktibo pa siya sa paggawa ng mga pelikula para sa Vivamax.
Hindi kinaya ni AJ ang mga paninira mula sa mga taong mapanghusga at hindi alam ang mga tunay na nangyayari sa kanyang personal na buhay.
Nang ipagtapat ni AJ kay Boy na lima na ang kanyang anak, napaluha siya.
Naramdaman ng mga manonood, lalo na ng mga magulang, ang sakit ng kalooban niya dahil walang ina ang may gusto na itago mula sa publiko ang kanilang mga inosente at maliliit pang anak.
Dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas buhat nang isilang ni AJ si Abraham, ang pangatlo at bunsong anak nila ni Aljur, noong Setyembre 3.
Nakararanas si AJ sa kasalukuyan ng postpartum depression kaya makatutulong sa kalagayan at paggaling niya ang katiting na kabutihang ipadarama at ipakikita sa kanya.
Namatay sa edad na isa ang pangalawang anak ni AJ na si Aaron.
Bilang ina, napakasakit nito para sa kanya kaya naintindihan ng Cabinet Files ang pakiusap niyang huwag nang pag-usapan ang sanhi ng kamatayan ng bata.
Bakas sa boses ni AJ ang kalungkutan nang mapag-usapan ang anak na namatay, na itinuturing ngayon ng aktres na anghel ng kanyang buhay — isang masakit na pangyayari na habambuhay na dala ng ina na katulad niyang nawalan ng anak.
Read: Celebrities urge kindness amid rising mental health struggles