Hindi si AJ Raval ang unang artista na meron nang anak nang pumasok sa showbiz, dahil may mga anak na rin sina Elizabeth Oropesa, Daria Ramirez, at Rosanna Roces nang mag-umpisa ang kanilang mga acting career.
READ: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica

Naging maingay lang ang pag-amin ni AJ dahil hindi makapaniwala ang publiko na lima na ang mga anak niya na hindi mahahalata sa kanyang payat na pangangatawan, bukod sa kontrobersyal na kuwento ng pagmamahalan nila ni Aljur Abrenica.
May isa nang anak si Elizabeth nang ipakilala ito sa Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, ang unang pelikula niya noong 1974.

Sixteen years-old si Elizabeth nang maging ina at dalawampung taon ang kanyang edad nang gawin niya ang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa na pinagbidahan ni Miss Universe 1969 Gloria Diaz.
Dalawa na ang anak ni Daria Ramirez kay Joey De Leon, sina Chenee at Kempee nang magbida siya noong 1976 sa kanyang unang pelikula, ang Nunal Sa Tubig.

Co-star ni Daria sa Nunal sa Tubig si Elizabeth at pareho na silang mga nanay noon pero nailihim ito sa publiko.
Dalawa na ang anak ni Ana Maceda nang ipakilala ito sa Comfort Women: A Cry For Justice, ang pelikulang pinangunahan ni Sharmaine Arnaiz at ipinalabas sa mga sinehan noong Setyembre 1994.
Nang pumirma si Ana ng kontrata sa Seiko Films noong taon ding iyon, pinalitan ng producer na si Robbie Tan ang kanyang screen name at nakilala siya bilang si Rosanna Roces.

Hindi inilihim ni Rosanna sa entertainment press ang pagkakaroon ng mga anak na inamin niya sa publiko noong 1996 sa kanyang guesting sa Startalk.
May anak na si Aubrey Miles nang magbida ito noong 2002 sa kanyang launching movie na Prosti pero sa mga interbyu, pinanindigan niya na walang katotohanan ang mga balita na nanay na siya.

Pero sa panayam ni Boy Abunda noong Abril 2009, inamin ni Aubrey sa publiko na may anak na siya at ang dating aktor na si JP Obligacion ang ama.
Tulad ng kanyang anak na si AJ, may asawa at mga anak na si Jeric Raval nang mag-umpisa ang acting career nito bilang action star noong 1992.

Ang Octoarts Films ang mother studio ni Jeric pero inilihim nila sa publiko ang pagkakaroon ng pamilya ng aktor na kanilang ipinangtapat noon kay Robin Padilla.
May anak na rin ang isang male television personality na hindi pa nito inaamin pero tiyak na malalaman din ng publiko sa mga susunod na araw, kapag nagdesisyon na magsalita ang ina ng bata.