Noong Nobyembre 11, 2025 ang kaarawan ni Ai-Ai Delas Alas; pero ngayong Linggo, Nobyembre 16, 2025, lamang siya nagdiwang.
Ginanap ang okasyon sa clubhouse ng Quezon City village na kanyang tinitirhan.
“Ai80’s!” ang tema ng birthday celebration ni Ai-Ai dahil batang '80s siya kaya Madonna-inspired ang kanyang all-white outfit.
Ilan sa mga bisita ay ang pamilya niya, malalapit na kaibigan, at college classmate.
Imbitado rin ang ilang kapwa niya artista na sina Bayani Agbayani, Lovely Rivero, Shyr Valdez, Jonvic de Guzman, Pepita Curtis-Smith, Boobay, at Jeric Gonzales.
Kumpleto rin ang mga anak na lalake ni Ai-Ai: sina Sancho, Andrei at si Niccolo na umuwi mula sa Amerika para makadalo sa birthday party ng kanyang ina.
Isang banal na misa ang idinaos bago nagsayawan ang lahat ng mga bisita sa tugtog ng ‘80s music.
Read: Susan Enriquez blasts Zaldy Co amid his revelations
BIRTHDAY WISHES FOR AI-AI DELAS LAS
“I-enjoy mo ang buhay” ang birthday wish ni Bayani para kay Ai-Ai.
Sabi pa ni Bayani, “Dapat huwag na tayong malungkot, lalo na sa edad natin.”
Ikinuwento ni Boobay na naramdaman nito ang kabutihan ng puso ni Ai-Ai sa shooting ng bagong pelikula nila na My Guardian Baby.
Mensahe pa ni Boobay para sa Comedy Queen: "Miss Ai, naramdaman ko kung gaano ka-pure ang heart mo sa mga tao na nasa paligid mo, kaya no wonder, nandito ang lahat ng mga nagmamahal sa yo.
"Makakaasa ka na sasamahan ka namin sa pagdarasal ng peace of mind. Makukuha mo yan basta ituloy lang natin yung plano nating puntahan."

"Peace of mind" din ang hiling ni Jeric para kay Ai-Ai. Nagkakilala nang husto ang dalawa nang magkatrabaho sa My Guardian Baby.
"Sana maging masaya ka. Sana palagi kang magkaroon ng peace of mind. Always know na nandito kami na mga nagmamahal sa yo.
"One call away lang ako, palagi tayong nag-uusap.
"Thank you sa guidance and I wish you all the best. Happy, happy birthday,” ang birthday message ni Jeric para kay Ai-Ai.
