Pinagkaguluhan ng mga empleyado ng GMA Network si Eman Bacosa Pacquiao nang bumisita siya sa bakuran ng GMA-7 ngayong Martes, Nobyembre 18, 2025.
Nagpunta si Eman sa GMA Network para sa kanyang mga TV guesting sa Family Feud at Fast Talk With Boy Abunda.
Si Eman ang bagong contract artist ng Sparkle GMA Artist Center, ang talent management arm ng Kapuso Network.
Ang Sparkle ang nagpalipad kay Eman at sa pamilya niya mula sa North Cotabato papunta sa Quezon City noong Lunes, Nobyembre 17.
Read: Eman Pacquiao, pumirma na sa Sparkle ng GMA Network
Kasama ni Eman ang ina nitong si Joanna Bacosa, ang stepfather niyang si Sultan Ramir Dino, ang kanyang kapatid na si Jexter, at ang bunsong kapatid nilang 14-month-old pa lamang.
Naka-check in ang mag-anak sa dalawang kuwarto sa isang hotel sa Quezon City.
Nakita ang simpleng pamumuhay ng mga Bacosa nang sabihin nilang puwede naman silang magsama-sama sa isang kuwarto. Pero hindi pumayag ang pamunuan ng Sparkle.
Lalong napatunayan ang kababaang loob ng pamilya ni Eman nang makita ng Sparkle ang presyo ng buffet meals sa hotel na tinutuluyan.
Katuwiran nila, hindi naman kailangang marami at mahal ang mga ipapakain sa kanila.
Read: Anak ni Manny Pacquiao, panalo sa Thrilla in Manila 2
EMAN BACOSA PACQUIAO'S MOTHER
Marami ang nagulat kay Joanna dahil maganda at maputi sa personal ang ina ni Eman, na isa nang pastora sa kanilang bayan sa North Cotabato.
Hindi nakapagtataka ang angking kagandahan ni Joanna dahil half-Japanese siya. Hapon ang kanyang ama at Yamamoto ang family surname siya.

Sinabi ni Joanna sa Cabinet Files na lubos ang kanilang pasasalamat sa Panginoong Diyos dahil hindi nila inaasahang darating ang araw na magiging popular si Eman.
Nasaksihan ng Cabinet Files ang pagiging malambing at mapagmahal na anak ni Eman.
Nakita namin ang pagyakap at paghalik niya kay Joanna nang matapos ang panayam sa kanya ni Boy Abunda.
Sa Miyerkules, Nobyembre 19, nakatakdang makipagkita si Eman at ang kanyang pamilya kay Dra. Vicki Belo pagkatapos ng pormal na contract signing niya sa Sparkle GMA Artist Center.
Sinabi ni Dra. Vicki sa Cabinet Files na iinterbyuhin niya si Eman para sa kanyang YouTube channel.
Ipararanas din daw niya sa 21-year-old boxing sensation ang Belo skin care at pupunta sila sa mall para sa isang shopping experience.
Read: Eman Pacquiao opens up about being acknowledged by Manny