Ngayong Linggo, Nobyembre 23, 2025, ang ika-56 na kaarawan ng action superstar at senador na si Robin Padilla.
Nitong Nobyembre 21 naman, Biyernes, pumirma siya ng kontrata sa Viva Films para sa mga proyektong gagawin ng Viva at ng kanyang RCP International Productions.
Itinuturing ni Robin na pinakamagandang regalo sa kanyang birthday sa taong ito ang pagpirma ng kontrata sa Viva Films bilang hudyat ng kanyang pagbabalik at muling pagiging aktibo sa pag-arte.

“Ito na yung pinaka-birthday gift ko dahil wala po akong pinapangarap kundi ang makabalik dito sa Viva. Dito po ako masaya, ito po yung greatest gift ko. Salamat po,” mensahe ng pasasalamat ni Robin kay Viva Entertainment COO and Chairman Vic del Rosario Jr.
“Dito naman ang mundo mo and welcome ka sa Viva anytime. Pati picture mo, nasa harap ko, every day kaya nagpapasalamat ako na yung ibinilin ko sa ’yo na huwag gagawa ng hindi dapat gawin ay ginagawa mo. I’m proud of you,” reaksyon naman ni Boss Vic sa pasasalamat ni Robin sa kanya.
“Sabi nga nila, Boss, nung naglabas ako ng SALN, ’Ang dami mo naman pera! Two hundred million pesos!’
“Sabi ko,’Ha? Ginawa akong bilyonaryo ni Boss Vic. Nung naging pulitiko ako, naging PHP200 million na lang yan,” nagbibirong sagot ni Robin.
Matatandaang naging pambansang isyu ang pagpapalabas ng SALN o Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ng mga senador kamakailan dahil sa kontrobersiyal na flood projects scandal. Isa si Robin sa mga senador na naglabas ng SALN.
Ang hindi pagbabago ng ugali ni Robin ang ikinuwento ni Vincent del Rosario, ang anak ni Boss Vic at Presidente ng Viva Communications Inc.
“Malinaw naman na very happy kami na nandito uli ang aking kapatid na si Robin. More than thirty years na magkasama kami through ups and down.
“Nakita namin na nandito siya palagi for us, in the same manner na nandito kami lagi for him. Hindi siya nagbago kung paano ko siya nakilala nung 1990, birthday ng one-year old ko.
"Ganun pa rin si Binoe, pasensya na hindi kita matawag na senator. Welcome back to the family. Masayang-masaya kami sa araw na ito. Thank you,” welcome back message ni Vincent para sa aktor na itinuturing niyang kapatid.
Bad Boy 3
Ang Bad Boy 3, ang comeback movie ni Robin na mapapanood sa Netflix, ang unang proyekto ng Viva Films at ng kanyang produksyon, ang RCP International Productions.
Nabuo ang pagiging magkasosyo ng magkabilang-panig nang magkita sila sa anibersaryo ng Viva Films, dalawang taon na ang nakalilipas.
“Nagkita kami ni Boss Vic sa anniversary party ng Viva, two years ago. Binanggit niya, ‘Kailan mo ba itutuloy yung Bad Boy 3 kasi matagal na?’
“Kaya naiyak na ako. Sabi ko, ’Sige, Boss, itutuloy ko na.’ Kaya nag-umpisa kaming mag-resume ng shooting, parang August of last year.
“Ang hirap pa rin dahil sa schedule. Nung natapos namin, nung makita namin yung rushes, na-inspire ako. Sabi ko, 'Aba meron pa.'
"Nakita rin ni Boss Vic. Sabi niya, 'Ituluy-tuloy na natin ito. Gumawa na tayo ng sunud-sunod na.'"
Ang sequel ng mga blockbuster movie na pinagbidahan noon ni Robin tulad ng Maging Sino Ka Man (1991) at Ang Utol Kong Hoodlum (1991) ang ilan sa mga proyekto na gusto ni Boss Vic na gawin ng senador.
“Si Boss Vic, gusto niya talagang gawin yung Maging Sino Ka Man Part 2. Sabi niya, 'Panahon na para gawin mo na yun.'
“Sabi ko, 'Sige po. Basta po pumayag si Ma’am Sharon [Cuneta].' Ang sabi niya, 'Kakausapin natin si Senator Kiko [Pangilinan, ang asawa ni Sharon],'” lahad ni Robin na nais na ibalik ang action-comedy movies.
“Na-miss ko yung humor kasi sa matagal na panahon, napansin ko din yung parang nagkukulang sa action-comedy. Yung linya namin noon.
"Naging masyado nang serious ang action ngayon. Kahit sa mga bata, serious yung action nila. 'Tapos kapag comedy, comedy lang. Nawala yung kumbinasyon ng action-comedy.”