Hindi na ang actor-politician na si ER Ejercito ang nakaupong alkalde ng Pagsanjan, Laguna, mula noong Lunes, Disyembre 1, 2025.
Nakumpirma ito nang tumawag at makipag-ugnayan ang Cabinet Files sa Office of the Mayor ng Pagsanjan ngayong Martes, Disyembre 2.
Ang vice-mayor ni Ejercito na si Jan Garcia ang pumalit sa kanya bilang mayor ng Pagsanjan.
Ang konsehal na si Cocoy Fernandez ang hinirang na bagong bise-alkalde.
Read: Hatol na guilty kay ER Ejercito, kinatigan ng Korte Suprema
“Wala po naman update at wala pang information mula sa heads namin,” sagot ng tauhan ng Office of the Mayor nang itanong ng Cabinet Files kung maglalabas sila ng pahayag tungkol sa biglaang pagkawala ni Ejercito sa puwesto.
Sinabi rin ng nakausap naming hindi siya ang tamang tao na dapat magsalita tungkol sa isyu.
Tinanong ng Cabinet Files kung sino ang tamang tao na dapat kausapin at hiningi namin ang contact number ni acting Mayor Garcia para ito ang personal na magbigay ng pahayag.
Sagot sa amin ng tauhan ng Office of the Mayor: "Meron pong meeting ngayon dahil sa transition ng mga papeles kaya hindi po namin sila maaabala ngayon. Siguro, tawag na lang po kayo some other time.”
Hindi pa naglalabas ng reaksiyon si Ejercito tungkol sa panibagong pagsubok sa kanyang buhay dahil walang nakakaalam sa kanyang kinaroroonan.
Diumano, late post ang mga makikita sa official Facebook ni Ejercito kaya ang buong akala ng lahat, siya pa rin ang mayor ng Pagsanjan.
Read: ER Ejercito, naglabas ng saloobin sa hatol ng Supreme Court
ARREST WARRANT FOR ER EJERCITO
Napag-alaman ng Cabinet Files na sinubukang ihain kay Ejercito ang arrest warrant mula sa Supreme Court First Division noong Nobyembre 7, 2025, pero hindi siya natagpuan.
May kinalaman ang arrest warrant sa kaso ng paglabag ni Ejercito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagkakaloob niya ng kontrata sa First Rapid Care Ventures, isang hindi lisensyadong insurance company na pag-aari ng isang Marilyn Bruel, noong 2008.
Diumano, hindi dumaan sa public bidding ang pagbibigay ni Ejercito ng kontrata sa kompanya ni Bruel noong una siyang manungkulan bilang mayor ng Pagsanjan mula Hunyo 2001 hanggang Hunyo 2010.
Noong Marso 2025, “Guilty at indeterminate penalty of imprisonment of six years and one month as minimum to eight years as maximum with perpetual disqualification from holding public office” ang hatol kina Ejercito at Bruel na pinagtibay ni Associate Justice Ricardo Rosario.
Pinatawan din si Ejercito ng parusang "Perpetual disqualification from holding public office," pero nanalo siya nang muling kumandidatong alkalde ng Pagsanjan sa halalan noong Mayo 12, 2025.
Tumagal lamang ng limang buwan ang pag-upo ni Ejercito bilang mayor ng kanilang bayan dahil lumabas nga noong Nobyembre 7, 2025 ang arrest warrant para sa kanya.
Ang Sandiganbayan ang nag-utos sa Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation na arestuhin si Ejercito anumang oras.
Read: ER Ejercito, tuloy ang proclamation rally sa kabila ng guilty verdict