“Fake news. I am on sick leave. Acting mayor lang si VM Garcia.”
Ito ang reaksiyon ni Pagsanjan, Laguna Mayor ER Ejercito tungkol sa inilabas na balita ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na pinalitan na siya sa puwesto ng kanyang vice-mayor na si Jan Garcia.
Makikita ang reaksiyon ni Ejercito sa comments section ng Facebook page ng PEP dahil nabasa niya ang ulat tungkol sa pag-upo ni Garcia sa puwesto mula pa noong Lunes, Disyembre 1, 2025.
Read: ER Ejercito, pinalitan na bilang mayor ng Pagsanjan, Laguna

Ngayong Martes ng umaga, Disyembre 2, naganap ang regular session ng 12th Sangguniang Bayan ng Pagsanjan.
Live itong napanood sa Facebook page ni Garcia na naghatid ng mensahe para sa mamamayan ng kanilang bayan tungkol sa pagkakatalaga sa kanya sa dating posisyon ni Ejercito.
Bahagi ng talumpati ni Garcia: “This is my first time to have a speech para po sa ating mga kababayan through Sangguniang Bayan.
“Ang pag-a-assume po ng inyong lingkod, Januario Ferry Garcia, bilang inyo pong mayor ay hindi po pinlano, hindi po hiniling.
"At ito po ay kasama sa mandato po ng bawat halal, kahit na pang-barangay o kahit na pang-lokal man.
“Tinawag po tayo ng panunungkulan para po umakto at maging full-fledged na inyo pong puno ng bayan para sa pagkakataong ito.”
Read: Hatol na guilty kay ER Ejercito, kinatigan ng Korte Suprema
GARCIA PRAYS FOR EJERCITO
Nagpahayag naman ng kalungkutan si Garcia tungkol sa paraan ng pagkakaluklok niya bilang alkalde ng Pagsanjan.
Saad niya: “Nakakalungkot po ang mga pangyayari at sa ganitong paraan pa mapapalagay po ang inyong lingkod bilang punong-bayan sa pagkakataong ito.
“Ang respeto ko po at ang buong pagmamahal ko pa rin po sa atin pong mayor, Governor Emilio Ramon Pelayo Ejercito III.
“Kung nasaan man po siya, ipinagdadasal po natin ang kanya pong kalagayan, lalo na po ang kanyang kalusugan, ipinagdarasal rin po.
“So, sa atin pong mga kasama sa Sanggunian at mga kababayan, especially po sa Sangguniang Bayan, tayo po ay magtrabaho at gumampan sa atin pong tungkulin nang sama-sama at nagkakaisa.
“Ang panawagan ko rin po, ang buong suporta ng atin pong pamahalaang bayan, ng buong puwersa po ng atin pong mga kawani ng pamahalaang bayan.
“Sa atin pong vice-mayor, makakaasa po kayo at ang bumubuo po ng Sangguniang Bayan na magiging sukob at magiging maganda ang relasyon po ng atin pong executive and legislative part, kagaya po ng Office of the Mayor at ang atin pong tanggapan.
“Hinihiling ko po ang inyong pang-unawa at ang patuloy na panalangin para po sa ikagaganda po ng atin pong mahal na bayan ng Pagsanjan.”
Read: ER Ejercito sentenced to 6 to 8 years of imprisonment over anomalous insurance deal