Plano ng Viva young actress na si Angela Muji na pahintuin na sa pamamasada ang kanyang ama ngayong kumikita na siya sa pag-aartista.
Sa mga nakaraang panayam ng Cabinet Files kay Angela, hindi nito nakakaligtaang pasalamatan ang tatay niyang si Sonny, 59, dahil buong-buo raw ang suporta nito sa kanyang acting career.
Limang taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang ina ni Angela at mula noon, ang tatay na raw niya ang nagtataguyod at gumagabay sa kanya.
Ngayong Miyerkules, Disyembre 3, 2025, naganap ang grand media conference ng Philippine adaptation ng South Korean movie na A Werewolf Boy — ang launching movie ng loveteam nina Angela at Rabin Angeles na mapapanood sa mga sinehan simula sa Enero 14, 2026.

Read: Robin Padilla reacts to Aljur Abrenica fathering 3 kids with AJ Raval
ANGELA MUJI'S MESSAGE FOR HER FATHER
Kasama ni Angela sa presscon ang tatay niya, kaya tinanong ng Cabinet Files kung ano ang mensahe niya para sa kanyang ama.
Saad niya: “Alam ko madalas, hindi tayo nagkakasundo at madalas makulit ako, sakit ako sa ulo.
"Pero I just want you to know that one of my biggest motivations sa trabaho ko ay ikaw at si Kuya.
“I want to give you the good life that you deserve and I really love you. I am grateful sa iyo na lagi kang pumapasada kahit nahihirapan ka na. Nandito lang ako para sa iyo.
“Pagpasensiyahan mo na ako. I love you, I love you so much.”
Ginamit ni Angela ang salitang "pumapasada" dahil Grab operator at driver ang tatay niya.
Lahad niya: “Pumapasada kasi po ang papa ko, e, Grab driver po. We have a Grab business.
"Grab operator din po siya and, sa totoo lang po, kahit nahihirapan po si Papa, siya po yung nagbabayad ng tuition ko.
“Siya po yung nagbabayad ng bills ko before I have jobs. Kahit malaki na po ako, siya pa rin po.
“Nasabi ko na po before, ang pangarap ko dati ay maging artista, magkaroon ng movies, magka-series.
"And now that I am here, ang pangarap ko po is mapag-retire ko ang Papa ko.
“Very supportive po ang Papa ko. Kahit may biyahe po siya, susunduin niya po ako.”
Sa hiwalay na panayam ng Cabinet Files sa ama ni Angela, sinabi nitong nagsimula ang pagiging Grab driver niya noong 2014.
At ngayon, meron na siyang siyam na Grab units na ipinapasada ng ibang mga TNVS driver.
Wala pa sa plano ng tatay ni Angela ang huminto sa pamamasada bilang Grab driver dahil nalilibang siya at gusto niya ang kanyang ginagawa.
Read: Carla Abellana announces engagement — will a wedding follow soon?