Hindi natapos sa kinukuwestiyong panalo ni Fatima Bosch bilang Miss Universe 2025 ang mga problema ni Miss Universe Organization president at co-owner Raul Rocha.
Noong Biyernes, Disyembre 5, 2025, ipinag-utos ng Financial Intelligence Unit (UIF) ng Ministry of Finance and Public Credit (SHCP) ng Mexico na harangin o i-freeze ang mga bank account ni Rocha habang iniimbestigahan siya tungkol sa kanyang kaugnayan sa mga organisadog krimen sa kanilang bansa.
Si Rocha ang may-ari ng 50 percent ng Miss Universe franchise.
Noong Nobyembre 26, kinumpirma ng Attorney General’s Office ng Mexico na sumasailalim si Rocha sa imbestigasyon dahil sa pinaghihinalaang koneksiyon niya sa drug trafficking, fuel smuggling, at arms trafficking.
Read: Raul Rocha faces drugs, firearms, fuel trafficking charges—report
Iniulat ng Attorney General’s Office na nag-umpisa ang pag-iimbestiga nila kay Rocha noong Nobyembre 29, 2024.
Naganap ang pag-uulat ng Attorney General’s Office sa mismong araw na hiniling ng Pangulo ng Mexico na si Claudia Sheinbaum na linawing mabuti ng tanggapan ng piskal kung may warrant of arrest laban kay Rocha.
MISS UNIVERSE FUND NOT FROM ILLEGAL WAYS
Sa report ng Mexican media, sinampahan si Rocha ng mga kaso dahil sa drug trafficking, arms trafficking, at fuel smuggling sa Mexico at Guatemala.
Pero itinanggi ng Secretary of Security and Citizen Protection ang mga indikasyon na ang organized crime ang nagpopondo sa Miss Universe pageant.
Bukod sa mga paratang na sinadya ni Rocha na si Fatima Bosch ang manalong Miss Universe 2025, dahil business partners umano sila ng ama ng Mexican beauty queen, inaakusahan si Rocha ng pagtulong sa transgender Thai billionaire at dating Miss Universe Organization co-owner na si Anne Jakrajutatip para makatakas ito sa Thailand at magtago sa Mexico.
Gaya ni Rocha, nahaharap si Anne sa maraming kaso sa Thailand, tulad ng fraud o panlilinlang, kaya may arrest warrant para sa kanya.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ni Rocha tungkol sa desisyon ng Mexican government na harangin o i-freeze ang mga bank account niya.