Ang Miss Universe Philippines 2025 (MUPh) ang hinirang na Best National Pageant ng Miss Universe Organization sa coronation party ng Miss Universe 2025 na ginanap noong Nobyembre 21, 2025.
"Love Above All" ang tema ng MUPh 2025 dahil sa paniniwalang nagsisimula ang tunay na kapangyarihan mula sa pag-ibig, kabutihan, at respeto — isang dahilan kaya ito ang pinarangalan bilang Best National Pageant.
Si Ahtisa Manalo ang nagwaging Miss Universe Philippines 2025 at itinanghal na third runner-up sa 74th Miss Universe.
Read: Dayanara Torres, kinontra ang sagot ni Fatima Bosch sa visa issue sa Miss Universe
Para sa president at CEO ng MUPh na si Jonas Gaffud, hindi lamang tungkol sa korona at mga kababaihan ang pagkilala na ipinagkaloob ng Miss Universe Organization.
Pahayag niya: “For us, pageantry has never been about crowns. It has always been about women, their stories, and their power.
“This recognition affirms that when you build a platform anchored on purpose, education, and empowerment, excellence naturally follows.”
Labis na ikinagalak ni Jonas ang pagkilalang iginawad ng Miss Universe Organization sa MUPh.
Hindi ito ang unang pagkakataong pinarangalan ng Miss Universe Organization ang MUPh.
Ang MUPh ang tinanghal na Best Host Country sa Miss Universe 2024 na idinaos sa Mexico City, Mexico, noong Nobyembre 16, 2024.
Gumawa rin ng kasaysayan ang MUPh noong 2020 dahil ito ang nag-iisang pageant na nagpatuloy, sa gitna ng panganib na hatid ng coronavirus pandemic.
Humingi ng permiso ang MUPh mula sa IATF-EID (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para mairaos ang koronasyon sa isang closed-set sa Baguio City.
Si Rabiya Mateo ang nanalo sa 1st Miss Universe Philippines.
Ang kanyang tagumpay ang naging simbolo ng katatagan ng national beauty pageant kaya mula noon, lalong naging matapang ang MUPh.
Read: Miss Universe 2025 Fatima Bosch, nag-walkout sa TV interview
MISS UNIVERSE PHILIPPINES SIGNATURE CAMPAIGNS
Para kay Gaffud, “Excellence is not a one-time achievement” at patunay raw ang mga hamon na kanilang nalalampasan at ang mga kababaihang lumalahok sa bawat MUPh edition.
Nagawa umano ng organisasyon na itaas ang pamantayan at ipagpatuloy ang pagtataguyod para maging pinakamahusay na bersiyon ng mga sarili ang bagong henerasyon ng mga Pilipina.
Sa pamamagitan ng partnership sa Save the Children Philippines, isinusulong ngayon ng MUPh ang inclusive education at literacy.
Nakipagtulungan din ang MUPh sa Project Pearls at JCI Manila para sa pagbibigay ng skills training sa mga single mother at undeserved communities.
Self-love initiatives at tulong sa mental health naman ang ipinagkakaloob ng MUPh at LoveYourselfPH para sa mga kabataan.
Kaagapay naman ng MUPh ang Department of Migrant Workers sa pagsusulong sa kapakanan at proteksiyon ng Overseas Filipino Workers at ng kanilang mga pamilya.
“With this signature campaign, MUPh transforms the pageant stage into a powerful platform — one that inspires delegates and audiences alike to champion compassion, uplift communities, and drive lasting, meaningful change across the Philippines and beyond,” saad ni Gaffud.