Trigger Warning: Murder
Ang screenwriter na si Nick Reiner ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa mga magulang niya —ang actor-director na si Rob Reiner, 78, at Michele Singer, 68 — sa kanilang tahanan sa Los Angeles, California, noong Disyembre 14, 2025.
Inaresto ng Los Angeles Police si Nick, 32, dahil siya ang itinuturong pumatay sa pamamagitan ng pananaksak at paglaslas sa lalamunan ng kanyang mga magulang.
Itinakda sa apat na milyong dolyar ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Nick, na nasa pangangalaga ngayon ng mga pulis at nasa suicide watch.
Matagal nang problema ng kanyang mga magulang si Nick dahil sa pagkalulong niya sa mga ipinagbabawal na gamot kaya labas-masok siya sa drug rehabilitation clinic.
Labimpitong beses nang nakukulong sa rehabilitation clinic si Nick.
Read: Hollywood director Rob Reiner and wife found dead in their home
A DAY BEFORE THE TRAGEDY
Isang araw bago pinaslang sina Rob at Michele, nasaksihan ng mga bisita sa Christmas party ng TV host na si Conan O’Brien ang pagwawala ni Nick at ang pang-aaway nito sa kanyang ama at ina.
Naganap ang Christmas party sa tahanan ni O’Brien noong Disyembre 13.
Ikinagulat ng mga bisita ang inasal ni Nick at ang maingay na pagtatalo nila ng kanyang mga magulang.
Nag-ugat umano ang kumprontasyon dahil sa muling paggamit ni Nick ng illegal drugs mula pa noong labinlimang taon ang kanyang edad.
Ayon sa mga saksi, nagpahayag si Rob ng pangamba sa posibleng gawin ni Nick dahil lumalala ang karamdaman nito sa pag-iisip.
Kung mapatunayan na si Nick ang pumaslang sa sarili niyang mga magulang, masasabing nangyari nga ang kinatatakutan ni Rob, isang araw lang matapos ang pagsasagutan nila ni Nick sa Christmas party ni O’Brien.
Nagimbal at nagluluksa ang Hollywood dahil sa malagim na sinapit ng mag-asawa at bumuhos ang pakikiramay para sa kanilang mga naulila.
Kabilang sina former US Presidents Barack Obama at Bill Clinton, Demi Moore, Jane Fonda, Ben Stiller, Stephen King, Elijah Wood, Michelle Pfeiffer, Kate Hudson, at Paul McCartney sa mga nagpaabot ng pakikiramay sa mga naiwan nina Rob at Michele.
Read: Marie Lozano absuwelto sa kasong libel ni Gretchen Fullido