“Happy? Happy! Yes!” kasunod ang thumbs-up sign ang sarkastiko pero lumuluhang pahayag ng contractor na si Sarah Discaya, 49, sa harap ng mga miyembro na media noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18, 2025.
Ito ay kasunod ng pagsilbi ng warrant of arrest laban sa kanya habang nasa tanggapan siya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Malayung-malayo ang reaksiyon ni Discaya sa kanyang napakasayang hitsura nang ipagmalaki niya sa isang panayam noong Setyembre 2024 ang magagarang sasakyan at marangyang pamumuhay nila ng kanyang pamilya.
Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman
Ang Branch 27 ng Seventh Division ng Lapu Lapu City Regional Trial Court sa Cebu ang naglabas ng arrest warrant para kay Discaya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3019 ( Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Malversation of Public Funds.
Agad na pinagsuot si Discaya ng dilaw na T-shirt na may tatak na NBI AOTCD Detainee (Anti-Organized and TransNational Crime Division) bago siya dinala sa NBI Detention Facility sa Muntinlupa City.
Nakaposas na si Discaya at may suot na facemask nang dumating siya sa NBI Detention Facility.
Ngayong Biyernes, Disyembre 19, nakatakda siyang ilipad sa Cebu para sa kanyang pormal na pagharap sa korte.
Read: Sarah Discaya, nangangamba para sa apat na anak na may ADHD
CATALINA CABRAL'S DEATH
Bahagyang natabunan ang balita tungkol sa pag-aresto kay Discaya ng malagim na ulat na natagpuang wala nang buhay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, 63, sa isang bangin sa Kennon Road, Tuba, Benguet.
Sina Discaya at Cabral ay kabilang sa inaakusahang may kinalaman sa bilyun-bilyong pisong flood-control anomalies sa DPWH.
Parehong nangyari ang pag-aresto kay Discaya at ang malagim na pagkamatay ni Cabral noong Huwebes, Disyembre 18.
Inimbitahan si Cabral ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Disyembre 15 para imbestigahan tungkol sa kaugnayan niya sa infrastructure projects scam, pero hindi siya sumipot.
Ngayong Biyernes, naglabas ng pahayag at panawagan ang ICI para sa masusing imbestigasyon tungkol sa misteryosong paraan ng pagpanaw ni Cabral.
Nakasaad dito: “Usec. Catalina Cabral was one of the central figures in the on-going investigation of anomalous government infrastructure projects. As the former undersecretary for planning, she was no doubt privy to vital information.
“We therefore ask law enforcement agencies to immediately secure and preserve all her documents, gadgets, and computers for possible digital forensics examination.
“The commission likewise calls for a prompt and thorough investigation of the death of Usec. Cabral to ensure that there is no foul-play. Should authorities determine one, it is possible that those responsible may also be connected to the anomalous infrastructure projects.
“The commission extends its condolences to the bereaved family and friends of the former DPWH Undersecretary.”
Read: Ex-DPWH Usec. Catalina Cabral found dead after alleged fall