Naniniwala ang naulilang pamilya ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral na aksidente ang pagkamatay nito na nangyari sa bangin ng Kennon Road, Tuba, Benguet, noong Huwebes, Disyembre 18, 2025.
Ayon sa nagdadalamhating asawa ni Catalina na si Engineer Cesar Cabral, walang foul play dahil aksidente ang pagkahulog ng kanyang asawa sa malalim na bangin.
Tumanggi si Cesar na sumailalim sa autopsy ang misis niya.
Taliwas ito sa pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla ngayong Biyernes, Disyembre 19, na sumasailalim sa autopsy at DNA test ang bangkay ni Catalina.
Ito ay para raw matiyak na ang dating DPWH official nga ang bangkat.
Sabi ni Remulla: “She’s still undergoing autopsy and a DNA test to make sure that it’s really her.
"Baka budol-budol ito, e, di ba, so naninigurado lang tayo na siya talaga yan."
Nasaktan at hindi nagustuhan ni Cesar ang mga salitang binitiwan ni Remulla.
“ Ano yung sinasabi ni Jonvic Remulla kanina?” sambit niya.
Si Cesar mismo at ang kanyang mga anak ang nagpapatunay na ang bangkay ng asawa niya ang nakuha mula sa bangin kaya hindi na sila pumayag isailalim sa autopsy ang katawan ng nasawi.
Read: Ex-DPWH Usec. Catalina Cabral found dead after alleged fall
"REQUIREMENTS" TO BRING CABRAL'S BODY BACK TO METRO MANILA
Naglabas din si Cesar ng sama ng loob dahil sa "requirements" na hinihingi umano bago nila maiuwi ang bangkay ng misis niya sa Metro Manila.
Hinutok ng mister ng dating DPWH official: “Ang dami nilang hinihinging mga requirement para ma-i-release namin, madala sa Maynila. E, hanggang ngayon, hindi pa gumagalaw yung papel, e.
“Ipinakita ko na sa kanila yung bangkay. Nakita nila, tiningnan nila kung ano ang hitsura, tapos ipapa-autopsy nila?
“Siguro, karapatan namin na nagbigay na kami ng waiver.
"Bakit ipapa-autopsy pa? Nakita mo na yung sarili niya, hihiwain mo pa?
“Kasi nakakita na ako ng ina-autopsy. Bubuksan nang buo tapos pababayaan lang. Iiwan na lang ng mga nag-autopsy.
“Naghirap na nga yung tao tapos hihiwain mo pa? Anong dahilan?
"Wala naman silang nakitang foul play."
Dagdag pa ni Cesar: “Nagpunta siya rito [Benguet] para mag-unwind kasi madaming pressure na.
"Hindi kami nag-uusap tungkol sa kaso ng flood control. Sabi nga, e, may attorney ka, bahala yung attorney mo.
“Ang gusto namin, magpa-Pasko, masamahan man lang namin ang asawa ko ngayong Pasko.”
Ikinakasama raw ng loob ni Cesar na wala ang doktor na pipirma sa death certificate ng kanyang misis, at ang mga balitang naririnig niya tulad ng pagsasalita ni Remulla tungkol sa pagkamatay ng asawa niya.
Read: Lumang interview ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral, muling nabuhay