Trigger warning: mention of suicide
Wasak ang kanan na bahagi ng mukha, bali ang kamay, tuhod at likod dahil purong bato ang binagsakan ng katawan ni Catalina Cabral.
Si Cabral ay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na sangkot sa flood control project anomalies.
Read: Cabral family says no foul play in ex-DPWH official’s death
Sa pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, kinumpirma niya na si Cabral ang labi na nakuha mula sa bangin ng Kennon Road, Tuba, Benguet noong Biyernes, Disyembre 19, 2025.
Base sa finger prints, DNA test, at autopsy sa katawan ni Cabral ang impormasyon na ibinahagi ni Remulla sa isang programa ng DZMM, ngayong Sabado, Disyembre 20.
"Pure rock ang binagsakan. Walang puno, walang lupa, diretsong bato talaga.
"Confirmed na si former Usec. Cathy Cabral ang nakitang labi sa ilalim ng bangin sa Tuba, Benguet.
"Consistent ang autopsy sa blunt force trauma from a fall. It turns out na nung umaga, sinubukan na niya [na tumalon], nakita ng pulis kaya umatras siya.
"Pagbaba kasi ng driver ng two kilometers down para magpa-gasolina, pagbalik ng driver, hindi na siya nakita. Baka dun pa lang tumalon na," ang lahad ni Remulla.
Sinasabing may 20 meters ang lalim ng bangin kunsaan natagpuan ang labi ni Cabral.
Unang tinutulan ng pamilya ni Cabral na sumailalim sa autopsy at DNA test ang nasawi, pero napapayag din sila nang mapaliwanagan.
Pumayag na rin ang naulilang pamilya ni Cabral na isuko ang cellphone nito sa mga imbestigador pagkatapos ng cremation sa mga labi ng namayapa.
Naniniwala si Remulla na matatapos na ang mga conspiracy theory tungkol sa mahiwagang pagkamatay ni Cabral dahil sa isinagawang DNA test at autopsy, pati na ang pagkilala ng pamilya ng nasawi sa bangkay nito.
Read: Ex-DPWH Usec. Catalina Cabral found dead after alleged fall
VIRAL SELFIE OF CATALINA CABRAL'S DRIVER
Nakadagdag sa maraming pagdududa tungkol sa mala-teleserye na kuwento ng pagpanaw ni Cabral ang selfie photo ng kanyang driver na si Cardo Hernandez, ilang oras bago mamatay si Cabral.
Makikita sa selfie photo ni Hernandez na nakaupo si Cabral sa concrete barrier sa Kennon Road.
Read: Philippine Flood Control Corruption: A Timeline
NBI LOOKS FOR DASHCAM FOOTAGE FROM MOTORISTS
Naglabas naman ng panawagan ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga motorista na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon tungkol sa pagkahulog ni Cabral sa bangin.
"In the pursuit of truth and justice, the National Bureau of Investigation (NBI) respectfully requests the voluntary assistance of the public in its ongoing investigation re: Death of former DPWH Usec. Catalina Cabral.
"All Motorists who passed through Kennon Road, Tuba, Benguet on 18 December 2025 particularly within the time window of 9:00 a.m. to 7:00 p.m. of said day who may have dashcam footage along the area of Sitio Maramal Camp 5, Barangay 4 Tuba Benguet, are kindly asked to share their recordings with the NBI.
"Any information provided will be treated with strict confidentiality and used solely for lawful investigative purposes.
"Those willing to assist may coordinate with the NBI through cellphone number: 09089780135 or email us at nbiserves@nbi.gov.ph.
"Your cooperation will greatly help the investigation," ang apela ng NBI ngayong Sabado.
DASHCAM FOOTAGE ALIGNED WITH DRIVER'S SELFIE
Mabilis na nagkaroon ng positibong resulta dahil sa paglitaw sa social media ng dashcam footage mula sa sasakyan ng isang motorista.
Pasado alas-diyes ng umaga ang oras na nakalagay sa dashcam footage na nakahagip kay Cabral habang nakaupo ito sa concrete barrier sa Kennon Road.

DRIVER HERNANDEZ'S NARRATION
Tumugma ang oras sa kuwento ni Remulla na noong Huwebes ng umaga, pinaalis si Cabral ng pulis sa naturang lugar dahil bawal.
Pero bumalik siya sa lugar bandang hapon, ayon naman ito sa kuwento ng kanyang driver na si Hernandez na nagdala sa kanya rito.
Sinabi pa ni Hernandez na nagpaiwan umano si Cabral sa lugar, at nagbilin na balikan niya makalipas ang isang oras.
Pero hindi na muling nasilayan ni Hernandez ang amo. Kaya raw humingi na ng saklolo si Hernandez sa pulisya para magpatulong na maghanap kay Cabral.
Hindi raw akalain ni Hernandez na hahantong sa pagpanaw ni Cabral ang aniya'y bakasyon lang sana ni Cabral sa Baguio.
Hindi umano nakitaan ni Hernandez ng anumang kakaibang kilos si Cabral noong araw na iyon.