Bukod sa WilTV ng Cignal Channel , mapapanood din ang Wilyonaryo sa TV5 simula sa Enero 2026.
Ito ang ibinalita ni Willie Revillame sa official Facebook page at YouTube channel ng Wowowin.
Ang Wilyonaryo ang bagong game show ni Willie sa WilTV ng Cignal Channel 10 na magsisimula dapat ngayong Linggo, Disyembre 21, 2025.
Pero minabuti niya na ipagpaliban ang paglulunsad ng programa para lalong mapaganda ang kanyang lilipatan na state-of-the art studio sa Mandaluyong City.
WILYONARYO AIRING DATE
Hindi pa sinasabi ni Willie ang airing date ng Wilyonaryo, pero malaki ang posibilidad na mag-umpisa ang programa niya sa Enero 26, 2026, ang bisperas ng kanyang ika-65 na kaarawan.
Siniguro ni Willie na bubuksan nito ang bagong studio ng Wilyonaryo para sa lahat ng mga nagnanais na mapanood ang kanyang live game program.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Willie, ibinalita nito na mapapanood sa prime-time slot, 9 P.M. ng TV5 ang Wilyonaryo.
WILYONARYO DRY RUN
Pero walang dapat ikalungkot ang mga nag-abang sa hindi matutuloy na paglulunsad ni Willie sa Wilyonaryo sa WilTV dahil ngayong Linggo ng gabi, 8 P.M., live na mapapanood sa Facebook at YouTube accounts ng Wowowin ang dry run ng programa.
Kalahating milyong piso ang ipinangako ni Willie na jackpot prize sa WilPick segment ng Wilyonaryo, samantalang puwedeng manalo ng PHP10,000 at PHP20,000 ang manonood na mapalad na matatawagan niya sa telepono.
Ipinahayag ni Willie sa Cabinet Files na hindi niya matitiis ang mga kababayan natin na matapat na sinusundan siya sa lahat ng mga television network na nagiging tahanan niya at sinusuportahan ang kanyang mga programa mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Ang pagmamahal na ipinaramdam kay Willie ng mga tagahanga nito ang dahilan ng kanyang desisyon na i-live stream ngayong Linggo sa social media accounts ng Wowowin ang dry run ng Wilyonaryo. Tiniyak ni Willie na magiging masaya ang Pasko ng mga matatawagan niya sa telepono ngayong gabi para sa mga tulong na kanyang ipamamahagi. end