"Former GMA Integrated News Reporter" ang pakilala kay Nico Waje nang maimbitahan ito bilang guest speaker sa Campus Journalism Summit 2025 na ginanap sa Cabuyao, Laguna, noong Disyembre 13, 2025.
Marami ang nagulat at nagtaka dahil hindi nila inaasahang hindi na konektado sa GMA Network Inc. si Nico.
Ito ay makalipas lamang ang ilang buwan matapos niyang mapagtuunan ng pansin, mapag-usapan, magkaroon ng mga tagahanga, at mag-trend sa social media noong Hulyo 2025 dahil sa kanyang paghahatid ng balita tungkol sa mga bagyo na nanalanta sa Pilipinas.
Reead: GMA News' Nico Waje brings kilig vibes with his typhoon updates
"REPORTER-BABY" OF THE PHILIPPINES
Proyekto ng Cabuyao Youth Development Affairs Office ang Campus Journalism Summit 2025.
Ipinakilala nila si Nico bilang “Reporter-Baby” ng Pilipinas dahil siya raw ang tipo ng guwapong nagbabalita tungkol sa baha at bagyo.
Ibinahagi ni Nico sa lahat ng mga dumalo sa Campus Journalism Summit na hindi mahalaga ang salapi para makapagsilbi sa bayan.
Pahayag niya: “If you treat journalism as a service, somehow that will help people na mawaksi ang figures dahil hindi importante ang pera upang makapagsilbi sa bayan.
“Mas lamang ang pagiging passion nito kesa sa pagiging propesyon dahil mahirap ang papasukin ninyo sa umpisa dahil lahat kayo ay kailangang magsimula somewhere down.”

Malaki ang naitulong ng popularidad ni Nico noong Hulyo 2025 kaya pinakinggan at sineryoso ng mga lumahok sa Campus Journalism Summit ang kanyang mga pahayag tungkol propesyon nila.
Pero palaisipan sa iba ang tila biglaang desisyon ni Nico na magbitiw sa tungkulin kaya naghahanap at naghihintay sila ng paliwanag mula sa kanya.
May mga nababahala at nanghihinayang dahil kung kailan nakilala at sumikat si Nico bilang tagapaghatid ng balita ng GMA Integrated News, saka siya biglang naglaho sa telebisyon.
Wala rin siyang pormal na pamamaalam sa publiko, na malaki ang kontribusyon sa kanyang tinatamasa ngayong popularidad at nag-trend na pangalan sa social media.
Sa kasalukuyan ay naka-lock ang profile ng social media accounts ni Nico.
Read: Nico Waje has the best reaction to his viral typhoon updates