Ang lead vocalist ng Cup of Joe na si Gian Bernardo ang nagsalita para sa kanilang sikat na pop-rock band tungkol sa isyu sa pagitan ni Rico Blanco at ng direktor na si Paolo Valenciano.
Ilang araw matapos ang pinag-usapang insidente, hindi naglabas ng pahayag ang Cup of Joe tungkol sa kontrobersiyal na social media post ni Paolo dahil ipinaubaya nila sa pamunuan ng JBL Music ang pagpapaliwanag.
Ang JBL Music ang organizer ng JBL Sound Fest na ginanap sa Park Links Open Grounds, Pasig City, noong Disyembre 6, 2025.
Parehong performers sa naturang music fest ang Cup of Joe at si Rico Blanco.

Pero nagkaroon ng usapin dahil sa viral Facebook post ng concert director na si Paolo Valenciano.
Bahagi ng kontrobersiyal na post ni Paolo: “And to Rico, my hero, while I sincerely wish you the best, I’ve learned that we’re simply not meant to work together again.”
Read: Paolo Valenciano hints at issue with Rico Blanco at music fest
Nagkaroon ng pagkakataon ang entertainment press na malaman ang panig ng Cup of Joe nang humarap ang grupo sa media conference para sa mga proyekto nila sa 2026.
Saad ni Gian: “We were very much included po sa incident but when the team of JBL and our director, Direk Paolo Valenciano, went to our tent and talked to us, they said na it should be from their end na panggagalingan ng statement.”
CUP OF JOE BREAKS RECORDS IN 2025
Naging malaking tagumpay ang Stardust, ang three-night concert ng Cup of Joe sa Araneta Coliseum mula Oktubre 10, 11, at 12.
Kinilala ng The Araneta Group ang Cup of Joe bilang kauna-unahang Filipino band na gumawa ng kasaysayan sa Araneta Coliseum dahil sa kanilang sold-out Stardust concert.
Read: Cup of Joe takes fans on a cosmic journey in Stardust concert
Ang Cup of Joe ang pinarangalang Top Local Artist of the Year ng Billboard Philippines, Spotify Philippines, at Apple Music Philippines.
Kinikilala rin ng Believe Music ang Cup of Joe dahil sa apat na bilyong all-time streams ng banda sa lahat ng digital streaming platforms na nagpapatunay na sila ang nangunguna sa mga mang-aawit na pinakikinggan sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, meron nang 446.6 million streams ang "Multo," isa sa mga hit song ng Cup of Joe na may hawak ng record bilang longest-running No. 1 song at highest single-day streams sa kasaysayan ng Spotify Philippines.
Nalampasan na rin ng banda ang mahigit sa 11.6 million monthly listeners ng naturang platform.
CUP OF JOE WORLD TOUR IN 2026
Ang tagumpay ng Stardust ang dahilan kaya magkakaroon ng international concert tour ang Cup of Joe na mag-uumpisa sa Amerika sa Enero 2026; sa Qatar at Abu Dhabi sa Pebrero 2026.
Nakatakda naman sa Marso ang show nila sa Singapore, at sa Mayo ang kanilang concert sa Malaysia at Indonesia.
Inaasahan ang pagtatanghal ng Cup of Joe sa Taiwan, South Korea, Australia, at New Zealand sa Hunyo.
Kumpirmado na rin ang Philippine tour ng Cup of Joe sa University of Baguio, Baguio City sa Pebrero 6; Santa Rosa, Laguna sa City of Santa Rosa Multi-Purpose Complex sa Pebrero 28; Tacloban City Convention Center sa Marso 21; Waterfront Cebu City Hotel & Casino sa Marso 28; Iloilo Convention Center sa Mayo 9; SMX Convention Center Davao sa Mayo 30; at Limketkai Atrium, Cagayan de Oro City sa Hunyo 13.