Napaluha raw si Ai-Ai delas Alas nang makita ang kaawa-awang kundisyon ng cancer patients sa isang government-owned hospital sa Maynila.
Pumunta si Ai-Ai sa ospital nitong Kapaskuhan para mamigay ng mga bonnet sa cancer patients na wala nang buhok dahil sa chemotherapy treatment.
Nanlumo at nalungkot daw si Ai-Ai nang makita nito ang mga pasyenteng bakas sa mukha ang hirap na dinaranas dahil sa kanilang mga karamdaman at nakaupo lamang sa monoblock chair habang sumasailalim sa chemotherapy.
Read: Janus del Prado under fire for tirades against Carla Abellana
“Grabe, nakita ko na nahihirapan sila dahil sa sakit na nararamdaman at hindi sila komportable sa kanilang mga puwesto.
“Nakahilera sila sa pagkakaupo habang nagpapa-chemo. Iba-iba ang edad nila, may matatanda at mga bata.
"Pero kahit nahihirapan, hindi sila nagrereklamo,” napaluhang kuwento ni Ai-Ai sa Cabinet Files.
Plano ni Ai-Ai na magbigay ng donasyon na chemotherapy chairs na mapakikinabangan ng cancer patients sa government-owned hospital na binisita niya.
Read: Ex-PGT contestant Mark Joven Olvido, nakalaya na
AI-AI'S PLEA TO THE GOVERNMENT
Naghihimagsik daw ang kalooban ng tinaguriang Comedy Queen dahil marami sa mga mahihirap at naghihirap na Pilipino ang higit at dapat nakikinabang mula sa bilyun-bilyong pisong ninakaw ng mga mambabatas, government officials, at contractors sa pondo ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Ang pagbisita niya sa cancert patiens sa naturang ospital daw nagmulat daw kay Ai-Ai sa katotohanang talagang mahirap maging mahirap sa Pilipinas dahil sa mga tiwali at mapagsamantalang opisyal ng pamahalaan na bilyun-bilyon ang halaga ng salapi na ninanakaw mula sa kaban ng bayan.
Nanawagan si Ai-Ai na pagtuunan ng pansin at tulungan ng pamahalaan ang mga pasyente sa government hospitals.
Saad niya: “Ngayong panahon ng Pasko, nawa’y piliin ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagkakaisa kesa pag-aaway.
"Mas mahalaga na pagtuunan nila ng pansin kung paano uunlad ang Pilipinas para sa kapakanan ng lahat.
“Isantabi muna ang pansariling interes at unahin ang tunay na pangangailangan ng mga mamamayan—lalo na ang mga may sakit sa mga pampublikong ospital na lubhang nangangailangan ng tulong.
“Ang diwa ng Pasko ay malasakit, pagkakaisa, at tunay na paglilingkod sa kapwa.”