Sasabak na rin sa pag-arte ang 22-year-old singer-songwriter na si Rob Deniel.
Ito ang kanyang kinumpirma nang makausap siya ng Cabinet Files sa media conference ng The Rob Deniel Show na nangyari nitong Lunes, Enero 12, 2026, sa Viva Café, Cubao, Quezon City.
“Opo, actually sasabihin ko na ba?” sagot ni Rob nang magtanong ang Cabinet Files tungkol sa posibilidad na bigyan siya ng acting assignment ng Viva Films, ang sister company ng Viva Records, ang kanyang home studio.
“May mga tinatrabaho po kami ngayon na maaaring makita ninyo ako na umaakting.”
Napangiti ang singer sa obserbasyon ng Cabinet Files na may hawig siya sa aktor na si Paulo Avelino, isang papuring madalas daw niyang naririnig.
“May mga nagsasabi naman po pero hindi ko talaga makita kung saang anggulo,” nahihiyang sabi ni Rob.
Read: Ogie Alcasid, umakyat ang Spotify listeners dahil kay Rob Deniel
ROB DENIEL OF STA. ROSA, LAGUNA
Isinilang si Rob sa San Pablo City, Laguna, noong Oktubre 6, 2003. Pero lumaki at nagkaisip siya sa Sta. Rosa City, Laguna.
“Ipinanganak po ako sa San Pablo City, Laguna, hometown ng mother ko. Pero yung father ko po, taga-Sta. Rosa City, Laguna. Dun ako lumaki,” kuwento ni Rob, na isa sa sikat na young singers ngayon.
Nangibabaw naman ang pagiging mahiyain ni Rob sa opinyon ng Cabinet Files na dalawa na sila ni Alden Richards sa mga popular na mamamayan ng Sta. Rosa City.
“Alden? Wow, grabe naman yung Alden Richards,” reaksiyon ni Rob.
Minsan lamang daw nakita ni Rob nang personal si Alden.
Nangyari raw ito noong elementary student siya at kasikatan ng AlDub loveteam ng aktor at ni Maine Mendoza.
Pero hindi itinanggi ni Rob na nakikilala na siya ng mga kabataan sa lugar na tinitirhan nila ng kanyang pamilya dahil sa mga popular na kanta niya gaya ng "Ulap," "RomCom," "Miss Miss," "Sinta," at covers niya ng "Ikaw Sana," "Nandito Ako," at "Wala Na Bang Pag-ibig."
Lahad niya: “Yung mga kabataan po, lalo na yung mga ka-age ko, mas younger na mahilig sa music, nare-recognize ako.
"Naririnig ko na lang kapag pinapatugtog ng kapitbahay ko [ang mga kanta ko]. Yung iba walang idea na ako ang kumanta.”
Nakakapaglakad ka pa ba sa kalye?
“Yes naman po," sagot ni Rob.
"Pero hindi maiiwasan na may mga tumitingin pero nae-enjoy ko po talaga.
“Yung iba hindi alam na ako si Rob Deniel. Yung iba kinakausap ang tatay ko, nagpapa-shout-out.”
Read: Sasakyan ng ABS-CBN News, nawasak sa Traslacion 2026
ON HIS PARENTS' REACTION TO HIS SUCCESS
Ano ang reaksiyon ng kanyang mga magulang sa success niya ngayon bilang singer-songwriter?
“Siyempre, sobrang saya nila. Sobrang proud po nila para sa akin.
"Ipinu-post po nila ako sa social media. Every post ko, isine-share nila. Sobrang saya po nila.
“Wala naman silang hinihingi na kapalit, pero ako, gusto ko lang masuklian ang mga ibinibigay nila sa akin.
"Gusto ko makitang nae-enjoy nila itong mga nangyayari sa akin.”
Tumutulong ba siya sa mga gastos sa bahay?
“Yes po, kahit papaano, ako na ang nagpapaaral sa sarili ko,” sagot ni Rob, na Multimedia Arts ang kurso sa Mapua Malayan College, Cabuyao, Laguna.
Hindi raw siya nawawalan ng panahon sa pag-aaral sa kabila ng mga paghahanda niya para sa kanyang concert, ang The Rob Deniel Show, na magaganap sa Pebrero 27, 2026 sa Araneta Coliseum, Quezon City.
Read: Golden Globes 2026: One Battle After Another, Adolescence win big