Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division na ikulong ang aktor at dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa New Quezon City Jail Male Dormitory, Payatas, Quezon City, ngayong Martes, Enero 20, 2026.
Pero naghain ng mosyon ang kampo ng nasasakdal na ilipat siya sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Diringgin ng korte ang motion to transfer ni Revilla sa darating na Biyernes, Enero 23.
Read: Bong Revilla surrenders after Sandiganbayan issues arrest warrant
Nagsadya si Revilla sa Sandiganbayan nitong Martes ng umaga dahil ibinalik niya ang arrest warrant para sa kanya matapos ang boluntaryong pagsuko noong Lunes, Enero 19, sa Camp Crame.
Graft at malversation of public funds na mga non-bailable offense ang mga kasong isinampa laban kay Revilla dahil sa akusasyong sangkot siya sa PHP92.8 million flood control ghost project sa Pandi, Bulacan.
Mahigpit itong pinabulaanan ng dating mambabatas.
Hinihiling ni Revilla sa korte na ibilanggo siya sa PNP Custodial Center, Camp Crame, ang naging kulungan niya sa loob ng apat na taon (Oktubre 2014 hanggang Disyembre 2018) na may napakahigpit na seguridad nang akusahan siya ng plunder dahil sa kanyang pagkakasangkot sa PDAF scam.
Read: Sandiganbayan issues arrest warrant vs Bong Revilla
QUEZON CITY JAIL - MALE DORMITORY
Noong Oktubre 2025, ibinahagi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa publiko ang mga larawan ng bagong tayong gusali ng Bureau of Jail Management and Penology Quezon City Jail-Male Dormitory sa Payatas, Quezon City, para sa mga akusado sa anomalous flood control projects.
Sinabi ni Remulla, na kababayan ni Revilla sa Cavite, na ipinakita niya sa publiko ang ipinatayong kulungan bilang patunay na hindi aatras ang kanyang tanggapan sa mga obligasyong kanilang dapat gampanan bilang tagapamahala sa lahat ng BJMP jails sa buong Pilipinas.
Walumpo ang bilang ng mga hindi pa nagagamit na dormitoryo na berde ang kulay ng pintura, may sariling banyo, mga double-deck bed, at espasyo para sa purified drinking water.
Sampu ang bilang ng mga bilanggo na puwedeng ikulang sa bawat dormitoryo kaya nakatitiyak na wala umanong overcrowding na mangyayari.


Nagbitaw rin si Remulla ng salita na hindi iiral ang VIP treatment sa mga bilanggong sangkot sa flood control project anomalies.
Read: Bong Revilla supporters, nagtipon-tipon sa Sandiganbayan