Nawalan ng cellphone ang Viva actor na si Lance Carr matapos ang Vivarkada concert na ginanap sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City, noong Agosto 15, 2025.
Ibinalita noon ng Cabinet Files na nakunan ng video ang isang babae na pasimpleng dumukot sa cellphone ni Lance na nakalagay sa bulsa ng pantalon nito habang pinagkakaguluhan ng fans ang aktor na nanood ng Vivarkada.
Kahit malinaw na nakunan ng video ang mukha ng suspect, hindi na nalaman ang kanyang pangalan kaya hindi na nabawi ang ninakaw na cellphone ni Lance.
Read: Lance Carr nawalan ng cellphone; hinihinalang suspect, na-video?
Kabilang ang 24-year-old Viva actor sa cast members ng Hell University.
Sa ginanap na media conference kahapon, Miyerkules, Enero 21, 2026, isa sa mga napag-usapan ang kanyang nadukot na cellphone.
Malayo na ang narating ng naglahong cellphone ni Lance dahil mula sa Quezon City, dinala ito sa Greenhills, San Juan City, hanggang makarating sa China.
Kumpirmadong ibinenta ang ninakaw na cellphone ni Lance sa Greenhills.
Natukoy ni Lance ang kinaroroonan ng kanyang cellphone sa pamamagitan ng Find My Phone app.
Lahad niya: “Ang update sa cellphone ko, nasa Shenzhen, Guangdong, China na po siya ngayon. Nag-mall stop muna siya sa Greenhills bago pumunta ng China.
“Nung unang-una po talaga, nasa Greenhills siya. Pero I mean, sino ba naman ang aamin sa mga cellphone store doon, so binalewala ko na lang.
"Nung nakita ko na bagong location, nasa China na siya."
Read: Lea Salonga confirms separation from husband Robert Chien
PHP20K REWARD FOR LANCE'S STOLEN CELLPHONE
Walang pagkabahalang naramdaman si Lance nang nakawin ang mobile phone niya dahil sigurado siyang walang mga pribadong video na puwedeng kumalat.
Ang kapwa aktor at kaibigan na si Marco Gallo ang isa sa mga labis na nag-alala nang malaman nitong nawala ang cellphone ni Lance.

Nakunan ng video ang panawagan ni Marco sa fans na nagkagulo kay Lance sa parking lot ng Araneta Coliseum.
Klarong-klaro na narinig ang sinabi ni Marco na, “Guys, wala po kayong nakita? Wala? Magbibigay kami ng PHP20,000.”
Nang itanong kay Lance sa media conference ng Hell University ang pabuyang binanggit ni Marco sa video, itinuwid niya ang maling akala na si Marco ang magbibigay ng PHP20,000 reward sa sinumang makapagbabalik ng ninakaw na cellphone.
Nakakatawang reaksyon ni Lance: “Sabi ko nga sa kanya, 'Anong pinagsasasabi mo? Wala akong PHP20,000, kung magpapa-reward ka ng PHP20,000."
Ito ay dahil si Lance pala at hindi si Marco ang magbibigay ng pabuya.