Imbitado si William Martinez sa unang gabi ng pagtatanghal ng Bagets The Musical sa Newport Performing Arts Theater, Pasay City, noong Biyernes, Enero 23, 2026 pero hindi siya dumating.
Kasama si William sa original cast ng Bagets, ang blockbuster movie ng Viva Films na ipinalabas sa mga sinehan noong Pebrero 2, 1984.
Si William ang ginamit na “poste” ng Bagets dahil siya ang isa sa mga pinakasikat na matinee idol noon.
Pawang mga baguhan ang kanyang mga kasama, sina Herbert Bautista, Raymond Lauchengco, JC Bonnin, at Aga Muhlach.
Read: Andres Muhlach, napaluha sa stage debut via Bagets, The Musical

Sa mga nakaraang panayam kay William, sinabi nitong nanggaling sa kanya ang pamagat na Bagets dahil sa baguettes diamonds na ibinebenta noon ng nanay niya na isang alahera.
Marami ang umasang sisipot si William sa unang gabi ng pagtatanghal ng Bagets The Musical pero hindi umano siya sumagot sa mga imbitasyon sa kanya.
Noong nakaraang linggo, nagkaroon ng kasagutan ang kawalan ng komunikasyon ni William sa mga nag-iimbita sa kanya dahil sa Facebook post niya.
Nakasaad dito: “MY DECISION IS FINAL! I’M RETIRED! I JUST WANT TO KEEP MY PRIVATE LIFE! GOD BLESS US ALWAYS.”

BAGETS CAST MEMBERS
THE OG Sa mga artista ng Bagets, sina Aga Muhlach, Yayo Aguila, at Chanda Romero lamang ang namataan ng Cabinet Files sa Newport Performing Arts Theater noong Biyernes.
Si Chanda ang gumanap na Christine, ang love interest ni JC sa Bagets, pero wala ang karakter niya sa musical version ng pelikula.
Napag-alamang imbitado rin si JC sa pagbubukas ng Bagets The Musical pero hindi siya nakauwi sa Pilipinas mula sa Amerika.
May karamdaman si Raymond, at walang paliwanag sa hindi pagdalo ni Herbert.
Ipinahanap din para maimbitahan ang aktres na cast member ng Bagets at may importanteng partisipasyon sa pelikula.
Pero ayon sa mga napagtanungan ng Cabinet Files, sumakabilang-buhay na umano ang aktres, pero hindi napabalita ang kanyang pagpanaw na isang malungkot na pangyayari, kung sakaling may katotohanan.
Read: OG Bagets star Yayo Aguila, napa-throwback sa Bagets The Musical