Inanunsiyo ngayong Martes, Enero 27, 2026, ang special ticket price para sa The Loved One, ang Valentine’s Day presentation ng Viva Films at reunion project nina Anne Curtis at Jericho Rosales.
Magbubukas ito sa mga sinehan sa Pebrero 11.
Ayon sa Viva Films, eksklusibo sa SM Cinemas sa Metro Manila ang presyo ng tiket na PHP275, at PHP230 naman ang halaga ng tiket para sa mga sinehan ng SM sa mga lalawigan.
Hindi ito ang unang pagkakataong binawasan ng Viva Films ang presyo ng tikets para sa kapakanan ng moviegoers.
Ginawa na rin ito nang magbukas sa mga sinehan ang Philippine adaptation ng A Werewolf Boy, ang launching movie ng loveteam nina Rabin Angeles at Angela Muji, noong Enero 14.
Gaya ng ticket price ng The Loved One, PHP275 para sa SM Cinemas sa Metro Manila at PHP230 sa provincial theaters ang halaga ng tikets ng A Werewolf Boy.
Read: Rita Daniela on Ken Chan: "We're not friends anymore."
viva films' way of helping the film industry
Bilang tulong sa industriya ng pelikulang Pilipino, ipinatutupad ng Viva Films ang pagbabago o pagbabawas sa presyo ng cinema tickets para makumbinsi ang mga taong bumalik sa panonood ng pelikula sa mga sinehan.
Malaki ang epekto sa theater owners at sa mga movie producer ang mataas at hindi abot-kayang cinema ticket price.
Nanghihinayang nang gumasta ang manonood na mas pinipiling hintayin na lamang ang pagpapalabas sa Netflix ng Tagalog movies.
Ang pinababang presyo ng tiket sa mga sinehan ng SM ay isang lamang sa mga malawak na paraan para malutas ang problema sa nababawasang bilang ng moviegoers kaya sisinghap-singhap na ang kalagayan ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Read: Bong Revilla, isasama na sa ibang inmates ng Quezon City Jail