Apat na sasakyang pababasbasan pa lamang sa Minor Basilica ng Our Lady of Manaoag ang nawasak nang madaganan ng nabuwal na puno ng acacia, ayon sa impormasyong ibinahagi ng pamahalaang bayan ng Manaoag, Pangasinan.
Nangyari ang aksidente sa blessing area ng sikat na simbahan bandang ala singko ng hapon, Huwebes, Enero 29, 2026.
Walang iniulat na nasaktan pero nayupi ng bumagsak na puno ang mga sasakyang nakatakda sanang bendisyunan ng pari: isang commuter van at tatlong SUV.
Nawasak nang husto ang isang bagong biling SUV dahil ito ang direktang tinamaan ng nabuwal na puno.
Read: Inday Barretto, mother of Gretchen, Marjorie, Claudine, dies at 89
Mabilis na kumilos at nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Manaoag Police, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nagsagawa ng clearing operations.
Tiniyak nilang walang nasaktan sa naganap na aksidente.
Ayon sa pamahalaang bayan ng Manaoag, personal na nagsadya si Mayor Jeremy Rosario sa pinangyarihan ng insidente at kinausap ang mga may-ari ng sasakyang naperhuwisyo ng nabuwal na puno.
AN UNFORTUNATE INCIDENT
Naniniwala ang maraming Pilipino na mailalayo mula sa masasamang espiritu at disgrasya ang kanilang mga bagong biling sasakyan kapag pinabasbasan nila ang mga ito sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag at National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, Antipolo, Rizal.
Pero masaklap ang sinapit ng apat na sasakyang dinala sa simbahan ng Manaoag dahil nabagsakan ito ng puno bago pa man nabendisyunan ng pari.
Read: Labor cases against GMA-7 explained; what's next after Supreme Court decision?